MAYROONG isang private printer (hindi ko na pangangalanan) na “umaray” sa isinulat natin sa kolum na ito noong March 26, 2009 na may pamagat na “National Printing Office sinasabotahe ba?”
Kaugnay ito ng pag-aalis sa ekslusibong karapatan ng NPO na ilimbag ang lahat ng mga security printing needs ng mga ahensya ng pamahalaan. Sa bagong policy na kinatigan ng “legal opinion” ng Malacañang, ang bawat ahensya ng pamahalaan ay puwede nang pumili ng kani-kanilang printers na kokontratahin. Ang pinupunto natin ay delikado ito dahil tinatanggalan ng poder ang NPO na pangasiwaan at bantayan ang paglilimbag ng mga security forms ng gobyerno tulad ng mga balota sa eleksyon. Ugat ito ng anomalya kahit itanong ninyo sa barbero kong si Mang Gustin.
Naniniwala ako na kung may iisang ahensya na mangangasiwa sa printing ng mga security forms ng gobyerno, magkaroon man ng anomalya ay agad matutukoy ang dapat managot.
May ipinadalang reklamo sa atin na nagsasabing isang “suspendidong private printer” ang gumamit ng impluwensya sa palasyo para magpalabas ng legal opinion na kumakatig na bayaang kumuha ng sariling printer ang bawat ahensya ng gobyerno. Walang tinukoy na pangalan ang ipinadala sa ating reklamo.
Pero umaray ang private printer na ito nang sumulat sa ating kompanya. Direktang ipinadala ang sulat sa ating CEO na si Mr. Miguel Belmonte. Nagbantang sasampahan tayo ng kasong libelo. Unang-una, ni hindi ko kilala ang kompanyang ito at ang diwa ng ating kolum ay pagpuna sa isang patakarang dispalinghado. Bakit nagkaroon pa ng National Printing Office kung wala ring poder na mangasiwa sa paglilimbag ng mga security forms ng gobyerno?
Kahit ibinunyag ng printer na ito ang identity, hindi ko pa rin ito ipa-publish dahil wala tayong intensyong manira. Kaya sa printer na ito, heto lang ang ating hiling: Pakisabi lang ng diretso at malinaw kung ano ang gusto niyong gawin ko. Kung isusulat ko ang inyong panig, mailalantad ang inyong identity at ang sina sabing anomalyang kinasasangkutan ninyo. Hindi kayo ang tinutuligsa at binabanatan ko kundi ang maling sistema sa gobyerno. Sana maging klaro sa inyo iyan Atorni.