EDITORYAL - Dengue at leptospirosis lalabas ngayong tag-ulan
NAKABABAHALA ang swine flu virus na ngayon ay umaatake sa Mexico at United States. Pero sabi ng health officials, maiiwasan ito basta maging maingat lamang ang mga tao. Bawal ang holding hands at beso-beso para huwag mahawa. Ang swine flu ay contagious diseases na nagmula sa mga baboy.
Pero bago lubusang mabahala sa swine flu mas may dapat paghandaan ngayon ang mamamayan lalo pa’t nakaamba na ang tag-ulan. Ang mga ito ay ang dengue at leptospirosis. Ang dengue ay nakukuha sa lamok na Aedis Egypti samantalang ang leptospirosis ay sa ihi ng daga. Ngayong sunud-sunod na ang pag-ulan, at isang low pressure area ang namatan sa Mindanao maaaring lubusan nang mabuhay at maghasik ng lagim ang mga lamok na may dengue. Kapag umulan tiyak na babaha at ito na ang hinihintay ng mga daga na may mabagsik na ihi. Hahalo ang ihi sa tubig-baha at papasok sa mga nakangangang sugat sa binti at hita.
Sintomas ng dengue ang lagnat na tumatagal ng isang linggo, pagkakaroon ng pantal, pagsusuka at pagdurugo ng ilong. Para mapigil ang pagdami ng mga lamok na may dengue, nararapat na wasakin ang kanilang tirahan. Linisin ang mga basyong bote, mga goma, lata at mga paso. Sikaping huwag maistakan ng tubig. Alisin ang mga damit na nakasabit o nakasampay sa mga madidilim na sulok. Kapag napuna ang mga sintomas ng dengue, agad kumunsulta sa doctor. Hindi dapat ipagwalambahala ang dengue lalo sa mga bata.
Nakamamatay din ang leptospirosis. Sintomas nito ang pagkakaroon ng lagnat at pagsusuka. Ipinapayo na ang mga may sugat sa binti o paa ay huwag lulusong sa baha sapagkat maaaring kontaminado ito ng ihi ng daga. Magsuot ng bota para maprotektahan ang mga paa. Hindi rin naman dapat ipagwalambahala ang leptospirosis at agad magpakunsulta sa doctor kapag nakita ang mga sintomas.
Marami ang nangangamba sa swine flu, ebola, SARS, avian flu at iba pa, mas dapat mangamba sa mga sakit na narito na mismo sa kapaligiran na sa anumang oras ay maaaring sumalakay at pumitas ng buhay. Paghandaan ang mga ito ngayong pumasok na ang tag-ulan.
- Latest
- Trending