ISANG sakit ang nanganganib na namang umikot sa mundo at magbigay ng malaking problema, katulad ng dulot ng SARS at Bird Flu. Ngayon naman ay Swine Flu na pumatay na ng higit otsentang tao sa Mexico, at nagbigay ng sakit sa isang libong katao na rin! Tila kumakalat ang sakuna, patungong Amerika! Mismo ang World Health Organization o WHO ang nangangamba na mataas ang potensyal ng sakit na kumalat sa buong mundo kung hindi maaagapan ang pagkalat nito. Sa Mexico, pinag-iingat na ang lahat ng mamamayan, at hinihikayat na umiwas sa maraming tao, pati sa halikan para maiwasan ang pagkalat ng sakit! Marami na ang naglalakad ng siyudad na naka-maskara. Ganun na katindi ang takot at pangamba ng Swine Flu sa Mexico.
Nakukuha ang sakit na Swine Flu mula sa baboy na may sakit nito. Kaya ang mga nahahawang tao ay ang mga nag-aalaga o nagpapalaki ng baboy, pati na mga matadero at kung sino pa ang humahawak ng baboy sa anumang kondisyon. Lumilipat ang sakit sa pamamagitan ng pagkamot sa mata o ang pagpunas ng bibig kapag nakahawak ng baboy na may sakit. Nalilipat rin ito sa ibang tao sa pamamagitan ng pag-ubo at pag-bahing. Hindi ito nakukuha sa pagkain ng baboy na may sakit, basta’t sapat ang pagluto ng karneng baboy. Wala naman sigurong kumakain ng hilaw na baboy na parang sushi! Basta pina-kuluan o pinrito ng husto, ligtas na ang karne. At dapat naghuhugas palagi ng kamay, lalo na mga humahawak ng pagkain.
Pero ganun pa man, naghahanda at nag-iingat na rin ang lahat ng bansa, kasama na ang Pilipinas. Pinagbaba-wal na ng gobyerno ang pagpasok ng baboy mula sa Mexi-co at Amerika. At patuloy pa rin ang pagsusuring thermal sa lahat ng pasaherong pumapasok sa bansa. Kung sinoman ang pu mapasok na may lagnat, iimbistigahan kaagad ito kung may relasyon sa Swine Flu.
Parang binebweltahan tayo ng inang kalikasan. Para siyang gumaganti sa ating mga tao, dahil siguro sa pagwawalang-hiya rin natin sa kanya. Swine Flu, Bird Flu, Foot and Mouth Disease, Dengue – lahat galing sa mga hayop. Mabuti sana kung mga baboy na lulong sa katiwalian at anomalya ang tinatamaan! Kaya lang pati mga inosente damay. Dapat may ganung sakit, kapag nasasangkot sa katiwalian ay tatamaan na lang ng matinding sakit. Ang problema, sila ang mga may pera para labanan ang anumang sakit na tumama sa kanila!