NAPANSIN ito ng mga retiradong sundalo simula Sept. 2008: Marami sa kanila ay hindi na nakakatanggap ng buwanang pensiyon. Ang inirarason ay lumilitaw umano sa computer files na “patay” na sila. Kapag personal na nag-follow up sa Camp Aguinaldo ang isang “patay,” kung ano-anong pruweba ang hinihingi sa kanya para patunayang buhay pa, kabilang ang pagpaparetrato na hawak ang huling isyu ng peryodiko. Nang imungkahi ng ilan sa kanila na tanggapin na lang ang sertipikasyon mula sa mataas na opisyal na buhay sila at tama ang ipinipresentang IDs, sininghalan sila ng mga opisyal. Pinahihirapan at iniirapan sila dahil sa problemang kagagawan naman ng mga opisyales.
Heto pa ang malala. Kapag napatunayan ng retirado na buhay pala siya, pinagdedeposito siya ng P25,000 sa isang bagong bank account. Lumalabas tuloy na dito mismo nanggagaling ang buwanang pension na ibinabayad sa kanya. Kung tutuusin nga, kapag naubos na ang deposito ay inuutusan ang retirado na maghulog muli ng P25,000. Kapag hindi ito magawa agad ng retirado, binabalaan siya ng mga opisyales na puputulin na ang pensiyon niya. Samantala, pinagkikitaan nila ang interes sa deposito.
May kakambal pang raket. Inuutusan ng mga opisyal na sirain ng retirado ang kasalukuyang ATM card, miski balido pa, at pinatutungo sa camp notary public para gumawa ng affidavit of loss. Sinisingil ang retirado ng P300. Ang tanong: Ano kayang impormasyon ang ibinabaon o ninanakaw mula sa microchip na nakabaon sa bagong ATM card? Tapos, pinakukuha ang retirado ng medical certificate sa loob ng kampo. Dagdag na P600 ito.
Mahigpit ding binabalaan ang retirado na huwag nang magpa-follow up sa Camp Aguinaldo, at sa halip ay maghintay na lang sa bahay o tumawag sa telepono. Para ba ito maiwasang dumagsa sila sa kampo at mapansin ng media? Anila hanggang Disyembre 2008 lang ang problema. Aba’y Abril 2009 na, pero hindi pa rin nakaka- kubra ang mga retirado.