^

PSN Opinyon

'Bugbog sarado...'

- Tony Calvento -

SA ORAS NA PAGBUHATAN KA NG KAMAY NG ISANG LALA­KING karelasyon mo iwan mo na ito! Kadalasan mauulit muli ito dahil naumpisahan na niya gawin ito sa ‘yo. Kapag hinayaan ninyo itong magpatuloy mahuhulog kayo sa kumunoy ng pagiging isang “battered wife.”

Abril 6, 2009 nagsadya sa aming tanggapan ang isang babae na naging biktima ng pisikal na pang-aabuso. Siya si Ethel Reda Alviz, 30 taong gulang at nakatira sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Inirereklamo ni Ethel si Jayson dahil sa pananakit raw nito sa kanya na naging dahilan kung bakit muntik na siyang bawian ng buhay.

Taong 1999 nagkakilala ang dalawa sa Birhen ng Lourdes Parish kung saan si Jayson ay isang sakristan at si Ethel naman ay aktibo sa kanilang mga ‘parish activities’.

“Nakipagkilala sa akin si Jayson at kinuha niya yung telephone number namin sa bahay. Halos araw-araw kaming nagkakausap at dun na siya simulang manligaw. Sumasama rin siya sa amin tuwing nagsisimba kami,” ayon kay Ethel.

Nasabi rin ni Ethel kay Jayson na ayaw nito ang lalaking maraming bisyo lalo na ang pag-inom ng alak. Sinunod naman niya ito kaya naging maayos ang kanilang pagsasama.    

Halos perpekto ang kanilang relasyon. Lahat raw ng atensyon at panahon ni Jayson ay ibinibigay nito kay Ethel kaya wala raw siyang mairereklamo dito.

Pebrero 28, 2004 ikinasal ang dalawa sa Our Lady of Grace Parish sa Caloocan City. Nung mga panahon na yun ay buntis na si Ethel sa panganay nilang anak.

“Pagkatapos ng kasal bumukod na kami at dun na lumabas ang kanyang tunay na kulay. Nalaman ko na umiinom pala siya pero tinatago niya lang ito sa akin. Tuwing Sabado at Linggo nag-iinuman sila ng mga kaibigan niya sa bahay namin,” kwento ni Ethel.

 “Away-bati” ang kanilang relasyon. Madalas pagsimulan ng ka­nilang pag-aaway ang bisyo at pagbarkada ni Jayson.

Sa tuwing magkakagalit ang dalawa ay umaalis na lang raw si Ethel sa kanila kasama ang dalawang anak at bumabalik ito sa poder ng kanyang ina.

“Matapos ang ilang linggo sinusuyo ulit ako ni Jayson. Pakiramdam ko para ulit kaming nagliligawan. Nangangako siya na magbabago na at hindi na raw siya uulit sa paglalasing,” sabi ni Ethel.

Ayon rin kay Ethel tatlong beses na raw sila nagkakahiwalay ng asawa at ganun rin ang nangyayari. Hindi natutupad ang mga pangako ni Jayson at hanggang ngayon madalas pa rin itong naglalasing na nagdudulot ng problema sa kanilang pamilya.

Marso 25, 2009 makalipas lang ang ilang linggo mula ng sila’y nagkaayos may insidenteng nangyari na lalong sumira sa samahan nilang matagal ng may lamat.

Nasa trabaho raw nun si Ethel nang tawagan siya ng kanyang ina Ayon dito tumawag raw ang kaibigan ni Ethel na si Len-len Yuven upang alamin ang bago nilang ‘address’.

Susunduin raw nito ang asawa niyang si Freddie at ang kanilang anak na kasama ni Jayson.

Kinausap naman ni Ethel si Len-Len upang kumpirmahin ang sinabi ng ina. Tinanong niya kung mag-isa lang ba pumunta dun si Jayson at hindi niya nagustuhan ang sinagot ng kaibigan.

“Si Jayson lang raw ang sumundo kay Freddie. Kinabahan ako dahil inisip ko agad yung mga anak ko na 4 na taong gulang at yung isa naman ay limang buwan lang,” pahayag ni Ethel.

Tinawagan ni Ethel ang kapitbahay nilang si Daniel Pelayo at nakiusap kung pwede nitong silipin ang mga anak niya. Naabutan raw ni Daniel si Jayson na natutulog sa loob ng bahay nila kasama yung dalawang bata pero nagising raw ito at pinagbuksan siya ng pinto.

Nakita rin umano ni Daniel na may mga bote ng alak na naka­ kalat sa lapag.

Alas diyes na rin ng gabi nakauwi si Ethel at agad nitong napansin na nakainom si Jayson. Kinompronta niya rin ito tungkol sa kanyang nabalitaan. 

Itinanggi raw ni Jayson na sinundo niya si Freddie at hinamon pa raw siya nito na puntahan nila si Len-len para magkaalaman na kung sino ang nagsasabi ng totoo. Nasabi rin umano ni Jayson na kung mapatunayan nila na hindi siya umalis ng bahay ay makakatikim raw ng sampal si Ethel mula sa kanya.

“Nagdalawang isip ako kung sino ang paniniwalaan ko, para kasing sigurado si Jayson sa mga sinasabi niya. Sabi pa nito na lumabas lang raw siya sandali para magtapon ng basura at hindi raw totoo na may ibang tao na pumunta sa bahay namin,” saad ni Ethel.

Nangatwiran si Ethel na iniwan pa rin ni Jayson ang dalawa nilang anak na walang kasama sa loob ng bahay. Sumagot naman ito na wala namang nangyaring masama sa mga anak nila kaya walang dahilan para magalit si Ethel.

Dito na nagsimulang magtalo at magsigawan ang mag-asawa. Bi­nuksan raw ni Ethel ang pintuan at nakiusap na lumabas muna ng bahay si Jayson pero hindi ito pumayag.

Bigla na lang raw nito isinara ang pituan at hinatak ang ‘colar’ ng polo ni Ethel at ilang beses raw inuntog ang ulo nito sa pader.

Nakaramdam raw ng pagkahilo si Ethel dahil sa lakas ng ‘impact’ ng pagkakauntog. Hindi pa raw nakuntento si Jayson kaya sinakal raw siya nito habang pinagbabantaan siya at sinabing, “P****g i*a mo papatayin kita!”

Hinang hina na raw si Ethel pero naisip niya na kailangan niyang makawala sa kamay ng kanyang asawa. Ang tanging nagawa lang raw nito ay kalmutin si Jayson sa likod.

“Lalo siyang nagalit dahil sa ginawa ko kaya sinabunutan niya ako at hinatak papunta sa higaan namin. Kahit nagpupumiglas ako wala akong laban sa lakas niya,” salaysay ni Ethel.

Habang nakahiga si Ethel sa kama ay sinuntok raw siya ng kanyang asawa sa mukha at sa dibdib sabay sabi ng mga katagang, “P****g i*a mo mamamatay ka na Ethel!”

“Pinilit kong lumaban at sinasalag ko ang mga suntok niya. Sinubukan kong tumayo pero sinipa niya ako sa dibdib. Hindi pa siya nasiyahan pinagsasampal pa niya ako hanggang sa maramdaman niyang hindi ko na kayang lumaban,” dagdag pa ni Ethel.

Natigil lang raw ang pananakit kay Ethel nung nakita ni Jayson ang panganay nilang anak na umiiyak at nagmamakaawa na tigilan na ang pambubugbog sa kanilang ina.

Hinintay raw muna ni Ethel na makatulog ng mahimbing ang kanyang asawa bago siya makahingi ng tulong sa kapatid na si Sheryl Periquet.

Umaga na raw nang sumagot si Sheryl at pumunta kaagad ito sa bahay ni Ethel kasama ang kanilang mga magulang.

Dinala nila si Ethel sa Diosdado Macapagal Memorial Medical Center para kumuha ng Medico-Legal Certificate.

Ayon sa ginawang pagsusuri ni Dr. Ismael Umali III nagtamo si Ethel ng ‘Contusion Hematoma’ sa ‘Infraorbital area’ (mata), hematoma sa left anterior at posterior wrist (kamay), traumatic tympanic membrane perforation (tenga) at marami pang mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ito ang naging basehan para makapagsampa ng kaso si Ethel laban sa kanyang asawa.

Marso 27, 2009 nag-file ng kaso si Ehel ng Attempted Parricide and Grave Threats in relation to Republic Act 9262 ang Violence Against Women and Children sa Caloocan Prosecutor’s Office. 

“Lumapit po ako sa tanggapan niyo dahil maraming nakakarating sa amin na balita na may kapit raw si Jayson sa City Hall kaya nangangamba kami na baka maimpluwensyahan ang kaso namin. Sana po tulungan niyo ako na mapatunayan na hindi nabibili ang hustisya,” panawagan ni Ethel.

Binigyan namin siya ng referral kay City Prosecutor Ramon “Boogie” Rodrigo ng Caloocan City upang mailabas sa lalong ma­daling panahon ang resolusyon sa kaso ni Ethel.

SA GANANG AKIN, ang kasong ito ay dapat na masusing suriin ng prosecutor kung tama nga bang ATTEMPTED PARRICIDE ang demanda laban sa kanyang asawa. Isang krimen na WALANG PIYANSA kapag ito ay masampa sa korte. 

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email: [email protected]


CALOOCAN CITY

ETHEL

JAYSON

NIYA

RAW

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with