Pasaway na Kongreso
PASAWAY talaga ang Mababang Kapulungan sa pamumuno ni House Speaker Prospero Nograles ukol sa pagsulong ng Cha-cha. Napakarami na nga ang may ayaw nito – simbahan, negosyo - pati na si dating President Fidel Ramos. Pero dahil may basbas at baka utos pa nga ng mga matataas sa administrasyon, nagpatuloy na ito. Wala sa mga mambabatas na nagsusulong ng Cha-cha ang opinyon ng mamamayang Pilipino.
Maraming ayaw sa anumang uri ng Cha-cha. Mas marami pang problema ang bansa na kailangang harapin at gawan ng solusyon. Pero hanap pa rin nang hanap ng paraan at butas ang mga kaalyado ng administrasyon para isulong ang Cha-cha. At kahit may garantiya na walang tatalakayin ukol sa pagpapahaba ng termino ng sinomang opisyal, kasama na ang Presidente, hindi pa rin ito sapat para matanggal ang pangamba ng mga kontra Cha-cha, at mamamayan.
Sa pinakabagong “gimik” ng Cha-cha, puwede pa ring mag-amyenda ng kahit anong bahagi ng kasalukuyang Saligang Batas. Ito’y ayon na rin kay Rep. Art Defensor. Pero kung tatanggapin man ito o hindi, ay ibang usapan na raw. Anong klaseng garantiya pala iyon? Bakit hindi na lang itakda kung ano lang ang mga puwedeng palitan? Sa katunayan nga, ang bagong paraan para talakayin ang Cha-cha ay kinukuwestyon na rin kung ito’y ayon sa Konstitusyon.
At habang sinusulong ni Nograles ang kanyang bersiyon, si Rep. Luis Villafuerte naman ay plano pa ring isulong ang Con-Ass niya! Dito naman ipagsasama-sama ang mga boto ng Kongreso at Senado. Halos tatanggalin ang kapangyarihan ng Senado na bumoto sa anumang panukala hinggil sa Cha-cha, dahil di hamak na mas maraming Kongresista kaysa Senador.
Kung baga sa boksing ay kaliwa’t kanan ang mga suntok ng Kongreso sa mamamayan. Dalawang partido na parehong kaalyado ng Presidente ang nagsusulong ng Cha-cha. Mabuti na lang at tila nakatulong ang Korte Suprema, nang mag-desisyon para dagdagan ang mga representante ng party-list sa Kongreso. Kaya nagbago na ang bilang ng mga kinakailangang lagda sa Mababang Kapulungan para isulong ang Cha-cha sa pamamagitan ng Con-Ass, na napakaraming tumututol.
Tumaas na mula 197 sa 221. At lahat ng karagdagang lagda ay manggagaling sa mga party-list. Pero sigurado ako, sa pagbabagong ito, may nakahanda na rin ang administrasyon para kontrahin o burahin ang umano’y lamang ng mga kontra Cha-cha. Kailangan na rin nilang kumilos at papalapit na ang 2010, kung saan tunay na pagbabago sana ang maganap.
- Latest
- Trending