'Napagkamalan lang ba?'
(Kinalap ni Gail de Guzman)
KUNG ANG KATOTOHANAN ANG NASA LIKURAN NINYO... siguradong makakamit ninyo ang katarungan!
Ito ang matibay na pinanghahawakan na kasabihan na nagbibigay ng pag-asa sa mga taong biktima ng kawalan ng hustisya.
Madalas rin nating marinig na napagbintangan, nadamay o napagkamalan lang raw ang isang taong nasangkot sa krimen. Ang istoryang tampok namin ngayon ay tungkol sa isang lalaking napagkamalan lang raw.
Nagpunta sa aming tanggapan si Angelita “Lita” Corpuz, 59 taong gulang at nakatira sa Ilagan, Isabela.
Ang kanyang anak na si Jose Corpuz Jr., 23 taong gulang ay napagbintangan umanong kasangkot sa isang gulo.
Si Jose ay pumunta sa Maynila para magtrabaho at makatulong sa kanyang pamilya. Ang ama niya na si Jose Corpuz Sr. ay may malubhang sakit at kasalukuyan ay ‘bed ridden’ na.
Nakikitira si Jose sa bahay ng kanyang tiyuhin na si Leonardo Maadil sa Jansenville, Cainta, Rizal at nagtatrabaho siya bilang isang ‘construction worker’.
Halos isang taon na raw walang komunikasyon si Lita at Jose kaya wala na siyang balita kung ano ang nangyayari sa kanyang anak.
Disyembre 29, 2008 binigyan raw si Lita ng amo niya ng cell phone na pinaglumaan bilang regalong pamasko. Ang una raw na ginawa ni Lita ay ang gumawa ng paraan upang makibalita sa kalagayan ni Jose.
Sa tulong ng kanyang bunsong anak na si Jayna nakausap niya ang anak ni Leonardo na si Muhammad at nalaman nga nila na may masamang nangyari kay Jose.
“Hindi ako mapakali nung ikinwento sa amin ni Muhammad na matagal na raw nakakulong si Jose dahil napagbintangan umano ito na tumaga sa dalawang lalaki. Sinabi rin niya na wag raw kami masyado mag-alala dahil sigurado raw siya na hindi si Jose ang may kasalanan,” kwento ni Lita.
Kahit malalim na ang gabi ay lumuwas pa rin si Lita ng Maynila upang makita ang kanyang anak. Alas onse y medya na ng gabi nung siya ay makarating sa Cainta Municipal Jail at muntik pa raw siyang hindi papasukin ng mga gwardya. Nagmakaawa na lang raw ito at sinabi na galing pa siya ng Isabela.
“Limang minuto ko lang nakausap ang anak ko. Niyakap ko siya ng mahigpit habang siya’y umiiyak at sinasabi sa akin na wala siyang kasalanan. Humingi rin siya ng tawad dahil nadagdagan pa raw ang mga problema ko,” pahayag ni Lita.
Ang pamilya ng namatay na si Pedro Miranda Sr., at si Danilo Raymundo ang nag-akusa kay Jose at sa iba pa nitong mga kasamahan ng pagpatay kay Pedro at tangkang pagpatay naman kay Danilo.
Sa kasalukuyan halos walong buwan ng nakakulong si Jose dahil sa mga kasong Direct Assault with Attempted Murder and Murder na nakasampa sa Fourth Judicial Region ng Regional Trial Court ng Antipolo City.
Sangkot rin sa kasong ito ang pamangkin ng kanyang tiyahin na si Jeorge Reputil at pinsan niyang si Arada Maadil.
Pagkatapos makapag-usap ng mag-ina ay dumiretso raw si Lita sa bahay ni Leonardo at dun niya nalaman ang buong detalye ng mga pangyayari.
Agosto 11, 2008, kaarawan mismo ni Jose galing raw ito sa bahay ni Lope Sibunan isang guro sa Jansenville Elementary School. Nagpatulong raw ito sa paggawa ng ‘visual aid’ para sa kanyang mga estudyante.
Habang pauwi na raw si Jose ay nakita umano nito na may mga taong nagtatakbuhan. Iniwan muna nito sa kanilang bahay ang dala niyang mga ‘cartolina’ at muling lumabas upang alamin ang nangyayari.
“Nakasalubong raw ni Jose ang anak ni Pedro na si Jay-R at sinabi sa kanya na awatin naman nito ang pinsan niyang si Jeorge, pero hindi naman talaga namin yun kamag-anak. Pagdating raw dun ng anak ko ay nakita niya si Jeorge na may hawak na itak habang si Pedro naman ay sugatan,” kwento ni Lita.
Napag-alaman rin ni Lita na bago mangyari ang insidente ay magka-inuman umano si Jay-R at Jeorge. Nagkataon na nagroronda sina Pedro at Danilo at nakita niya ang kanyang anak na nakikipag-inuman.
Sinita ni Pedro si Jay-R at minasama naman ito ni Jeorge dahil meron na silang naunang alitan nito. Nagkasagutan sila at nagpalitan ng mga mainit na salita.
Nagbigay ng Sinumpaang Salaysay si Danilo bilang testigo sa nangyari nung gabing yun.
“Umalis na kami nun at ipinagpatuloy ang pagpapatrolya at ng pabalik na kami sa aming opisina ay sinalubong kami nitong sina Jeorge Reputil, Jose Corpuz at Aradafar Maadil na may hawak na mga itak at hinabol kami (ako at si Pedro Miranda Sr) ng taga.
Hinabol po ako nitong si Jose Corpuz ng taga mula sa loob ng Jansenville hanggang sa labas ng gate at ng hindi ako maabutan ay tumigil na ito at si Jeorge Reputil at Arada Maadil ang nagtuloy na humabol sa akin.”
Hindi umano nahabol si Danilo dahil naligaw niya raw ang mga ito. Nung napansin niya na wala na ang mga lalaki ay dali-dali siyang bumalik sa lugar na pinangyarihan pero hindi niya na naabutang buhay ang kanyang kaibigan.
Ayon sa ‘Affidavit of Arrest’ ng mga barangay tanod ng Barangay San Juan, Cainta, Rizal na sina Nelson Agcasenza, Raden Abrigo, Alex Legaspi, Angelito Briones at Julito Canillo ganito raw ang nangyari.
“Agad naming pinuntahan ang lugar at pagdating namin dun ang isang ‘volunteer’ tanod na kasamahan ng nataga na si Danilo Raymundo ay agad naming tinanong kung ano ang nangyari. Sinabihan kami na nataga umano ang kanilang team leader na si Pedro Miranda at nakatakas ang nakataga dito at ang isang kasamahan nito na isa rin sa nanghabol sa kanya ng taga ay umuwi sa kanilang bahay.”
Pagkatapos raw nila nalaman ang buong pangyayari ay pumunta sila sa bahay ng nabanggit na kasamahan ng tumaga. Pagdating raw nila dun ay nadatnan nilang nakatayo sa tapat ng bahay si Jose at agad nila itong inimbitahan sa barangay hall para sa imbestigasyon at kusang loob naman raw itong sumama.
“Wala talagang kasalanan ang anak ko. Maling tao ang nahuli nila. Kaya lang siya tinuro ni Danilo at sinampahan ng kaso ay dahil ayaw nitong mapahiya sa mga tao. Sa katunayan nakakahiya ang ginawa nito dahil tumakbo siya habang pinapatay ang kanyang kaibigan,” sabi ni Lita.
Setyembre 5, 2008 unang naisampa ang kasong Direct Assault with Attempted Murder laban kay Jose. Nakulong agad ito habang nililitis ang kanyang kaso.
Naging malaking tulong rin sa kanila ang abogado mula sa Public Attorney’s Office ng Antipolo City na si Atty. Jaira Tolentino na dati naming kasama sa programang “Hustisya para sa Lahat” upang makakagawa ng mga importanteng dokumento para sa pakikipaglaban nila sa kasong ito.
Enero 29, 2009 ay naisampa pa ang kasong Murder, sa pagkakataong ito ay kasama na sa demanda sina Jeorge at Aradafar.
“Gusto ko po lumabas ang katotohanan para makalaya na si Jose. Umaasa ako na sa lalong madaling panahon ay mabigyang linaw ang kaso ng anak ko. Alam ko makakakita rin kami ng liwanag,” pahayag ni Lita.
Kung talagang inosente nga si Jose at nadamay lang siya sa kaso ay tiyak na makikita ng ‘judge’ ang puntong ito na magiging dahilan upang tuluyan ng maging malaya ang napagkamalang binata. Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Email address: [email protected]
- Latest
- Trending