Hirap ng mga magulang, sundalo, pulis

MAY mga paaralan na nagsimula na ng kani-kanilang mga summer classes. Kaya naman may mga magulang na napilitang maglaan ng pera para rito, dahil wala na iyong mga pre-need na kompanya kung saan sila may mga kontrata. Mga kontrata na sasagutin ng mga kom­panya ang matrikula ng kanilang mga anak. Sa panahon pa ngayon ng krisis, napakahirap maglaan ng pera para sa hindi mo naman inaasahang babayaran. Kaya lalong tumitindi na rin ang galit ng mga magulang na iyan, sa mga kompanya katulad ng CAP, PEP at Legacy.

Muling nagpatuloy ang pagdinig ng Senado sa isyu ng Legacy at ang kanyang walanghiyang pinuno na si Celso de los Angeles. Marami na ring kaso ang isinampa kay De los Angeles, pero parang wala pa rin sa kanya ang lahat ng mga ito. Kumilos na rin ang mga komite na sita­ hin siya para sa pagsuway sa hukuman dahil sa kanyang hindi pagdalo sa Senado, at ang kanyang patuloy na hindi pagsumite ng mga dokumentong pinangako niya sa Senado. Sa madaling salita, parang binabastos na rin niya ang Senado.

Ilang linggo na ang lumipas magmula nung huling pagdinig nila sa Senado, at dumaan pa ang Semana Santa. Marami na siyang panahon para ihanda ang lahat na ito, pero pagdating sa takdang araw, hindi siya sumi­pot. Kalad­karin naman kaya siya ng mga pulis katulad ng pagtrato nila sa mga katulong at kamag-anak ni Trina Failon? Sa tingin ko hindi dahil may padrinong malakas si De los Angeles, kaya ganyan na lang ang pagka-aro­gante niya sa Senado.

Kasama pa sa mga naloko ni De los Angeles ay higit   sa 12,000 sundalo at pulis, sa halagang P317,556,356!   Sa halagang iyan dapat nga kaladkarin din ng mga pulis iyan at “imbitahin”. Pero wala. Pinababayaan lang ang mayor ng Sto. Domingo, Albay. Iyan ba ang pantay na trato sa mga suspect? Ilang magulang, maging ordi­naryong mamamayan o may tungkulin sa otoridad katu­lad ng sundalo at pulis, ang mahihirapan itong para­ting na pasu­kan, dahil sa mga kalokohan ni De los Angeles?

Sinabi ko na sa isang sinulat ko noon, na may mga tao na walang pakialam sa mangyayari sa kanilang kap-wa tao, basta makuha lang ang kayamanan at kapang­yarihan. Isa na ang taong ito. Hindi ko naman main­tindihan kung bakit tila may mga tao pang ipinagtatanggol ito, kung mismong asawa at anak ay handa na ring tumestigo laban sa kanya. Ganyan na nga siguro itong mga panahon na ito.

Maraming nabubulag sa suhol, kaya maraming na­sa­­sagasaan. 

Show comments