Huwag galawin ang bangkay hangga't walang imbestigador

KUNG naging maingat ang mga kasambahay ni radio/TV newscaster Ted Failon (Mario Teodoro Etong) hindi na sana humaba pa ang usapin sa pagkamatay ni Trinidad Arteche Etong. Ito ang usap-usapan ng mga tagahanga ni Failon.

Ayon sa mga nakausap ko sa Manila Police District headquar­ters, hindi na sana malalagay sa imbestigasyon si Failon at ang mga kasambahay kung hindi nila pinaki­alaman ang crime scene. Ma­dali na umano sa kapulisan na makapag-imbestiga sa tunay na motibo. Tanging pirma sa weaver ang gagawin ng pamilya ni Failon at mga kaanak ni Trina upang hindi na ito pursigihin ng PNP.

Nasa batas naman kasi mga suki, na kung aminado ang buong pamilya na nag-suicide talaga ang biktima, ma­aari nilang ipakiusap sa mga pulis na huwag na itong pahabain sa husgado. May ilang kaso na rin akong na­saksihan mula nang maging photojournalist hinggil sa pagpapatiwakal ng kanilang mahal sa buhay. At dahil nga sa magiging problema pa nila ang abogado at gastusin sa funeraria ay hinihiling na lamang nila na huwag nang imbestigahan ang kaanak na nagpatiwakal. Walang magagawa ang mga pulis kundi lisanin ang crime scene.

Mga suki, laging tandaan na huwag ninyong gagalawin ang bangkay hangga’t walang mga imbestigador dahil kahit na aminado kayong nagpatiwakal ang biktima ay karapatan pa rin ng mga pulis na mag-imbestiga upang mawala ang alinlangan ng sambayanan. Turuan ang inyong mga kasambahay sa pag-iingat upang hindi magbigay ng sakit ng ulo ninyo. Sa tema kasi ng kaso ni Failon mukhang hindi nakakapanood ng television at nakaka­basa ng diyaryo ang mga kasambahay nito kaya naging padalus-dalos. Nahaharap sila ngayon sa obstruction of justice.

Naging marahas naman ang mga pulis nang tangkaing i-paraffin test si Trina sa loob ng intensive care unit ng New Era General Hospital nang sila’y pigilin ng mga kapa­ tid ng biktima. Kaya’t nauwi sa baltakan, iyakan at hiyawan sa loob mismo ng hospital. Na-relieve tuloy si Supt. Franklin Mabanag at kanyang mata­tapat na mga tauhan sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Kung sa karaniwang mamamayan ito nangyari tiyak nakangisi pa ang mga pulis sa kanilang pangha-harass sa kaanak ng biktima. Ngunit dahil nga sa maituturing na kinikilala ng lipunan si Failon hayun sa kangkungan napunta ang mga pulis na nang-harass. Abangan!


Show comments