“AAMININ ko at tatanggapin ko, hindi tumatakbo ang komiteng ito at hindi nagpa – function sa ilalim ng itina talaga ng batas”, eto ang bungad sa BITAG ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Ito ay nang makipag-ugnayan ang BITAG sa kanyang tanggapan hinggil sa batas na Republic Act 8485 o Animal Welfare Act.
Bunsod ito ng ginawang imbestigasyon ng BITAG, sa sunod-sunod at laganap na labanan ng kabayo o horse fighting sa iba’t-ibang probinsiya sa Mindanao.
Bawal ito, ayon na mismo sa batas at kay Sen. Escudero, ang chairman ng Committee on Animal Welfare subalit nangyayari at ang masahol pa dito ginawa pang kapritso ng mga sabungero’t sugarol.
Ayon sa R.A 98485, Section 6, ipinagbabawal sa ban-sa ang anumang uri ng kalupitan sa hayop, kasama rito ang dog at horse fighting.
Sa Section 6 number 1, nakasaad ang exception. Maliban na lamang kung ito ay gagawin sa ngalan ng tradisyon, kultura at usaping spirituwal subalit hindi palagiang gawain.
Eto ang ginawang dahilan at inabusong rason ng mga mapagsamantala ng mga nasa likod ng horse fighting. Magkakamal lamang ng limpak-limpak na salapi sa pustahang mapapanalunan.
At ang katotohanan, ang mga nasa likod nito, mismong mga opisyal ng lokal na pamahalaan o ng lugar na paggaganapan ng laban.
Ang siste, kasama ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng Department of Interior and Local Government sa tinatawag na Animal Welfare Committee, na siyang magpapatupad ng batas R.A 8485.
Kung ang partisipasyon sana ng nasa lokal na gobyerno ay patigilin at hadlangan ang horse fighting, mas mapapakinabangan pa ng tao ang mga alaga nilang kabayo.
Subalit sila pa ang kunsitidor dahil sa pag-iisyu ng permit sa mga organizer ng mga labanan ng kabayo at kadalasan pasimuno pa na kitang-kita ang kanilang partisipasyon sa tayaan habang nagsasabong ang mga kawawang hayop.
Sabi nga ni Sen. Escudero, kung tutuusin, walang problema sa batas kundi sa mga nagpapatupad nito. Nagtuturuan kung sino ang dapat kumilos.
Kaya naman, babala ni Sen. Escudero, sisiyasatin niya ang kasalukuyang ba-tas, haharapin ang mga bumubuo ng komite upang singilin ng harapan ang mga nagkulang at dapat managot!