Primaries and conventions
NAKAKAINGGIT ang nangyayari ngayon sa America, kung saan may Presidente sila na nahalal sa tamang proseso at malinis na halalan. Sa ngayon pa lang nakikita natin na hindi tama ang proseso natin sa pagpili ng presidential candidates, at tila malabo ang pag-asa na magkakaroon tayo ng malinis na halalan.
Sa ayaw at sa gusto ng mga puting Amerikano, isang itim ang nahalal sa isang tamang proseso at malinis na halalan doon. Si Obama ay napili ng Democratic Party sa isang tunay na primaries, kaya siya na ang binasbasan ng kanyang partido sa convention.
Dito sa atin, wala pang partido ang nagsasagawa ng tunay na primaries, at tila wala ring partido na nagbabalak na magsasagawa ng isang tunay na convention. Sa halip, bigla na lang na sinasabi ng mga partido dito kung sino ang kanilang presidential candidate, dahil sa decision o pagpili ng kanilang mga lider. Nasaan na ang demokrasya sa loob ng mga partido?
Sa totoong usapan, ang mga political party ang dapat sumonod sa mga patakaran ng demokrasya sa loob ng kanilang mga samahan. Kung hindi nila kayang magpatupad ng demokrasya sa loob ng kanilang mga partido, ano ang karapatan nilang magsabi na kaya nilang ipatupad ang demokrasya kung sila na ang nasa poder?
Kung ang mga opposition parties ay may tunay na layunin na mag-alok ng isang tunay na alternatibong lider sa ating bansa na kapalit sa kasalukuyang administration, ang una nilang dapat gawin ay ang magkasundo at magkaisa upang sila ay magkaroon ng iisang proseso sa pagpili ng iisang presidential candidate na bibigyan nila ng nagkakaisang supporta. Wa lang ibang tamang paraan sa pagsagawa nito maliban sa tunay na primaries at tunay na convention.
Sa isang partido na tumatahak sa landas ng tunay na demokrasya, kahit sino dapat ay maaring mag-deklara ng interest na sumali sa primaries, dahil matitira naman ang matibay sa pamamagitan ng mga debate tungkol sa kanilang mga programa.
Kung magkakaroon ng tunay na primaries ang mga opposition parties, may pag-asa pa tayong makatuklas ng isang presidential candidate na may bagong mukha, at hindi lamang ang mga kasalukuyang pulitiko na maraming pera at malakas ang influence. Kung ganito nga ang gagawing proseso, baka ako ay mag-isip na rin na sumali sa proseso, baka sakaling magustuhan naman ng mga tao ang mga programa na gusto kong pag-aralan ng mga Pilipino.
- Latest
- Trending