Marami pang Pinoys ang walang alam sa Cha-cha
ANG isyu tungkol sa Charter change ay nakaaapekto nang malaki sa mga Pilipino dito sa Amerika lalung-lalo na sa balitang isisingit daw ang may kinalaman sa pagpapalawig sa termino ni GMA na dapat sana ay matatapos na sa 2010. Akala ng mga Pinoy dito ay nailibing na ang isyu sa Cha-cha subalit nabuksan na naman sa Kongreso.
Masama ang loob ng mga Pinoy sa pagkabuhay ng Cha-cha sapagkat natatakot sila na magkatotoo ang balitang pahahabain ang termino ni GMA. Sabi ng mga Pinoy kapag nangyari ito, hinding-hindi na raw sila tatapak sa Pilipinas habang hindi nababago ang sitwasyon. Yun naman daw mga may investment sa bansa ay ititgil na muna nila ang pagnenegosyo sa Pilipinas. Ang ginagawa ng karamihan ay pinakikiusapan nila ang lahat ng kanilang mga kamag-anak at mga kasamahan sa Pilipinas na kampanyahin na ngayon na labanan ang pagpasa ng Cha-cha sa Kongreso.
Samantala, kapansin-pansin nga ang pagdami ng mga kongresista na sumusuporta sa Cha-cha. Ang karamihan sa mga ito ay mga pulitiko na mga kilalang malala-pit sa Malacañang o mga taga-administrasyon. Hindi pa naman masabi kung ano talaga ang pakay ng mga ito kung bakit nila sinusuportahan ang pagpasa ng Charter change. Hindi rin namin masiguro kung totoo nga ang balita na malaki raw diumano ang “lagay” sa mga ito para suportahan ang Cha-cha.
Marami ang hindi nakaiintindi kung talagang makabubuti sa mga Pilipino ang pag-aamiyenda ng Saligang Batas. Dapat sana ay maipaliwanag sa bayan ang tungkol dito. Makabubuti kung ang Cha-cha ay ganapin na lamang pagkatapos ng 2010 elections upang tuluyan nang mawala ang isyu ng pagpapalawig ng termino ni GMA.
- Latest
- Trending