'72 anyos, kinaladkad...!'
SA PAGTANDA NG ISANG tao maganda para sa kanyang kalusugan na magehersisyo upang maiwasan ang anumang sakit at panatilihin ang magandang kalusugan,
Ang istoryang tampok ngayon ay tungkol sa isang matandang babae na natiyagang mag-ehersisyo ng araw-araw upang humaba pa ang kanyang buhay. Sa hindi inaasahang mga pangyayari hindi ganito ang kinahinatnan ng kanyang pagsisikap.
Si Jeanette Manuel, 42 taong gulang at nakatira sa San Andres Bukid, Manila ay lumapit sa amin para humingi ng tulong.
Si Jeanette ay pangalawa sa apat na anak ni Juanita Enriquez at nagtatrabaho bilang isang ‘dance instructor’ sa isang bar sa Malate, Manila.
Kasama niyang namumuhay ang kanyang ina at ‘stepfather’ na si Ireneo Enriquez, ang kanyang kapatid na si Felipe at apat na pamangkin.
“72 taong gulang na ang nanay malakas pa ang kanyang pangangatawan. Nagluluto siya ng mga pang almusal at meryenda tapos tinitinda niya ito sa tapat ng bahay namin,” ayon kay Jeanette.
Kahit maraming ginagawa si Juanita araw-araw meron pa rin siyang oras para sa kanyang sarili. Lunes hanggang Linggo ay pumupunta raw ito sa ‘Happy Dream Korean Massage’ sa Osmena Highway, Makati.
Ito ay isang lugar kung saan maaari mong gamitin ng libre ang pino-promote nilang isang uri ng kama na nagmamasahe sa katawan.
Karamihan ng mga pumupunta dun ay mga matatanda. Nagkakaroon sila ng ‘daily routine’ ng pageehersisyo bago makapagpa-therapy.
Ayon kay Jeanette nagpupunta raw ang nanay niya dun para mapahinga at ma-relax ang katawan dahil sa nararamdaman niyang mga sakit dahil sa rayuma.
Madalas raw kasama ni Juanita ang kanyang kapitbahay na si “Aling Pina”. Sa isang taon na pagpunta niya dun ay marami na raw itong naging kaibigan.
Hunyo 7, 2007 isang pangkaraniwang araw tulad ng dati papunta si Juanita sa Happy Dream pero sa pagkakataong ito hindi niya kasabay si Pina dahil nauna ito sa kanya.
Alas kwatro pa lang ng umaga ay umalis na raw si Juanita sa kanilang bahay dahil madalas raw ay maraming tao dun kaya mahaba ang pila.
“Habang patawid ang nanay ko sa pedestrian lane galing Vito Cruz, Maynila sa kahabaan ng Osmena Highway, Malate ay biglang may dumating na rumaragasang 6-wheeler Fuso Cargo Truck na papunta direksyon kung saan siya tumatawid,” kwento ni Jeanette.
Nasagasaan si Juanita at ayon sa mga nakakita ay tumilapon raw ito hanggang sa may arko ng ‘boundary’ ng Manila at Makati na mahigit 20 metro ang layo.
Bumaba raw ang drayber at isinakay ang biktima sa trak upang dalhin sa ospital.
Ang insidenteng ito ay inimbestigahan ng Manila District Traffic Enforcement Office. Ayon sa Traffic Accident Investigation Report na ginawa ni SPO2 Sergio Macaraeg, nakarating raw sa kanila ang balita nang tumawag sa kanila si SPO1 Joselito Javier ng Makati Police Traffic Investigation.
Pumunta kaagad ang grupo ni Macaraeg sa Quezon City General Hospital kung saan dinala si Juanita ng nagpakilalang drayber ng trak na si Nestor Torres.
Kasalukuyang nagpapahinga nun si Jeanette sa kanilang bahay nang malaman niya ang nangyari sa kanyang ina kaya dali-dali itong pumunta sa ospital.
“Una kong tinanong ang guard ng ospital kung saan dinala yung babaeng nasagasaan at sinabi niya sa akin na nasa Emergency Room raw. Ikinagulat ko nang ikwento niya na sakay raw ito ng taxi kaya dun ako nagsimulang mag-isip at maghinala kung ano ba ang tunay na pangyayari matapos ang pagkabangga kay nanay,” pahayag ni Jeanette.
Sa kanilang pagkukuha ng impormasyon nalaman rin ni Jeanette na dinala umano ang trak sa Caloocan at ipinarada muna sa lugar na pinagtatrabahuhan nito.
Mula sa trak ay inilipat umano ang sugatang katawan ni Juanita sa taxi at dinala sa ospital.
Kasama ni Jeanette ang mga kapatid niyang sa loob ng kwarto kung saan ginagamot ang kanilang ina. Naghihingalo na raw ito nang kanilang abutan.
Makalipas ang ilang oras nilagutan na ng hininga si Juanita.
Ayon sa ‘Post Mortem Findings’ na pinirmahan ng Medico Legal Officer na si Dr. Roberto Rey Dan Diego nagtamo raw si Juanita ng ‘Contusion’ (sugat), ‘Laceration’ (hiwa) at ‘Hematoma’ (pasa) sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nagkaroon rin siya ng ‘fracture’ sa dibdib at natamaan ang kanyang dalawang baga pero ang dahilan raw ng pagkamatay nito ay ‘Traumatic Head Injury’ na kanyang tinamo nang mabagok ang kanyang ulo sa semento.
Ang pagkamatay ni Juanita ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa pang-araw araw na buhay ng kanilang pamilya. Ayon kay Jeanette ay nawalan sila ng masayahin at mapagmahal na ina.
Hindi ito pinalampas ng mga anak ng biktima.
Hunyo 17, 2007 nagsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide si Jeanette sa Metropolitan Trial Court Branch 17 ng Manila.
Kasama niyang magsampa ng kaso ang kanyang kapatid na si Jaime Manuel Jr., pati na rin ang mga kapatid nito sa pangalawang asawa ng ina na sina Erlinita Enriquez at Felipe Enriquez.
Isang linggo lang nakulong si Nestor dahil nakapagpiyansa agad ito ng halagang limang libong piso.
Nagkaroon ng isang pagdinig ang kanilang kaso at matapos nun ay lagi na raw itong ‘postpone’ dahil nagpalit umano ng Judge ang Branch 17 kaya madalas raw ay nagkakaroon ng aberya.
Abril 2008 nagsampa naman sila ng ‘civil case’ laban sa may-ari ng trak na si Pedro Bautista sa Regional Trial Court Branch 17 sa Manila.
“Bilang employer ay dapat lang managot si Mr. Bautista sa kapabayaan na ginawa ng kanyang drayber. Nakasampa na ito sa korte pero hanggang ngayon dinidinig pa rin ang kaso,” pahayag ni Jeanette.
Ikinagulat naman nila Jeanette nang may dumating sa kanila na PETITION FOR SUSPENSION OF CRIMINAL ACTION BASED ON PENDING PREJUDICIAL CIVIL ACTION na ginawa ng abogado ni Nestor na si Atty. Manuel Mendoza.
Ito ang dahilan kung bakit pansamantalang natigil ang pagdinig ng kaso laban kay Nestor. Inirereklamo pa nila na tuwing magkakaroon sila ng hearing sa civil case ay lagi itong postpone dahil hindi dumarating ang abogado ng kabilang partido.
“Hindi lang kami basta nawalan ng magulang kundi pati na rin ng isang taong gagabay sa amin at aming masasandalan sa oras ng pangangailangan. Sana po ay matulungan niyo kami na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa aming ina,” panawagan ni Jeanette.
Binigyan namin ng referral si Jeanette kay Chief Joseph Lopez ang City Prosecutor ng Manila upang mabigyan ng atensyon ang kanilang kaso.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan nila kay Chief Lopez umaasa si Jeanette na magtuluy-tuloy ang takbo ng kanilang kaso upang mabigyan na ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang ina. (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending