Tagapagligtas ng kalikasan

UNANG Asian na nagawaran ng prestihiyosong Inter-national Environmental Law Award ng Center for International Environmental Law (CIEL) ang Pinoy na si Atty. Antonio A. Oposa, Jr. Hindi karaniwan ang magkaroon ng crusader ng mga karapatang pangkalikasan sa isang 3rd World country. Mas prayoridad ng mga bansang ganito ang salaping yaman imbes na ang likas yaman. Walang kikitain sa pakikipagtunggali sa pamahalaan at sa mala­laking multi-national companies na nagsasalaula ng kalikasan sa ngalan ng negosyo. Ang ganansya lang ay ang anumang pakinabang na makukuha sa pagkakaroon ng balansadong ekolohiya. Excuse me pero medyo hindi yata makita o matikman man lang ang ganitong uri ng income.

Suwertihan lang kapag may pumayag na akuin ang mabigat na responsibilidad ng pagbibigay edukasyon sa kahalagahan ng kalikasan at gawin ito sa pamamagitan ng pagtanggol sa lipunan laban sa mga nais manamantala nito. Ganito ang ginawa ni Atty. Oposa – at napakahusay niyang naipatupad ang adhikain. Testigo ako sa walang kapagurang pakikilahok ni Attorney sa lahat ng larangan at sa lahat ng pagkakataon upang maiangat ang antas ng kaalaman ng bayan tungkol sa mga usaping environment. Aba, hindi na yata ito nakapag-praktis ng propesyon bilang abogado! Sayang at napakaganda ng qualifications ni Atty. Oposa – produkto ng UP Law at graduate ng Harvard Law School para sa kanyang masters kung saan niya naging kaiskuwela si Defense Sec. Gilbert Teodoro.

Ang isa sa mga konkretong accomplishment ni Atty. O ay ang matagumpay niyang krusada upang maipalinis ang Manila Bay. Maalalang nagsampa siya ng ambis­yosong demanda noong 1998 laban sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DENR, DPWH, MMDA at mga pama­halaang lokal na agad ibalik ang kondisyon ng Manila Bay sa dati nitong estado na maaaring paglanguyan at paglaruan ng mga recreational activities. Sa kan­yang pagpupursigi, at sa kabila ng katakut-takot na panangga ng gobyerno, naiangat niya ang kaso sa Supreme Court at doo’y naipanalo ang kaso.

Karapat-dapat para-nga­lan si Atty. Oposa. Higit dito’y nararapat lang na   atin siyang pasalamatan sa pagpapabuti ng ating buhay sa pamamagitan ng kan­yang mga hakbang upang ipagtanggol ang kalikasan.

ATTY. ANTONIO A. OPOSA, JR. GRADE: 98

Show comments