NANG manalasa ang bagyong Milenyo noong Sept. 28, 2006, maraming pananim ang nawasak at mga billboard na bumagsak. Pero ang mas nakagugulat ay ang napakaraming basura na isinuka ng dagat. Ilang trak ng basura ang nakuha sa baybayin ng Manila Bay. Ang mga basurang itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan ay ibinalik muli. Ang Manila Bay ang basurahan nang mga residente mula sa Cavite, Maynila, Malabon, Navotas at iba pang bayan na nakapaligid sa lawa.
Hindi nakapagtataka kung maging ikalawa ang Pilipinas sa may pinakaramaraming basura sa dagat. Ang nangunguna ay Amerika na may pinakamaraming basura sa dagat at ikatlo naman ang Costa Rica. Ayon sa Ocean Concervancy, 1,355,236 na piraso ng basura ang nakuha sa baybaying dagat ng Pilipinas. Ang Amerika ay 3,945,855 piraso samantalang ang Costa Rica ay 1,017,621 piraso.
Noong nakaraang taon, sinabi ni President Arroyo na ang Manila Bay ay dating malinis at ma-raming nakukuhang isda. Inilarawan pa ng presidente ang mga sariwa at malalaking isda na nahuhuli sa dagat. Nang mga panahong iyon ay ang ama pa ni President Arroyo na si President Diosdado Macapagal ang nanunungkulan sa bansa. Hindi raw makakalimutan ni Mrs. Arroyo ang mga nahuhuling isda sa malinis na Manila Bay. Ngayon ay kabaliktaran na. Hindi na isda kundi mga basura ang mahuhuli sa Manila Bay.
Ilang buwan na ang nakararaan, ipinag-utos ng Supreme Court sa Metro Manila Development Authority, Department of Environment and Natural Resources, Philippine National Police at marami pang iba na linisin ang Manila Bay. Ang kautusan ay kaugnay sa isinampang reklamo ng isang abogado sa Supreme Court na tungkulin ng pamahalaan na linisin ang Manila Bay.
Ang tanong ay kung kailan magkakaroon ng ngipin ang mga kautusan. Kailan magkakaroon ng katuparan ang mga ipinag-uutos. Sa kasalukuyan, walang nakikitang pagkilos sa mga ahensiyang inatasan ng Korte Suprema para linisin ang Manila Bay. Sana hindi bulaklak lamang ng dila ang sinasabing kampanya na linisin ang dagat. Panahon na para pag-ukulan ng atensiyon ang sinasalaulang dagat.