EDITORYAL - Pigilan ang pagtataas ng tuition fees
INIAANUNSIYO na ang balak na pagtataas ng matrikula ng mga unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila. Ikinukondisyon na ang isip ng mga magulang at estudyante para hindi mabigla sa araw ng enrollment. Ang ganito kaagang pag-anunsiyo ng pagtataas ng matrikula ay nagdudulot na ng kaba at takot sa mga magulang. Kung noong nakaraang school year (2008-2009) ay umaabot sa P40,000 bawat semester ang binabayaran ng estudyante tiyak na ngayon ay baka abutin na ng P45,000 hanggang P50,000 o mahigit pa ang bayad sa matrikula. Tiyak na maraming mamumroblemang magulang kapag hindi napigilan ang pagtataas ng matrikula. At kapag wala na silang magawang paraan kung saan kukuha ng pangmatrikula, maaaring pahihintuin na lamang ang anak sa pag-aaral sa kolehiyo. Panghuling paraan ay huwag nang pag-aralin.
Ayon sa Commission on Higher Education (CHEd), nasa 129 na ang mga unibersidad at kolehiyo na nagbabalak magtaas ng matrikula. Ang mga unibersidad at kolehiyong ito ay pawang narito sa Manila. Ayon sa CHEd maaaring mailusot ng 129 na unibersidad at kolehiyo ang kanilang kahilingang magtaas sapagkat noong nakaraang school year ay hindi sila pinayagan. Noong nakaraang taon, nakiusap ang presidente sa higher education institutions (HEI) na huwag munang magtaas ng matrikula sapagkat masyado nang nabibigatan ang mga magulang. Unti-unti nang pinahihirapan ng economic recession ang mundo kabilang ang Pilipinas. Napahinuhod naman ang mga HEI. Sabi ng CHEd, ang 129 unibersidad at kolehiyo na nagbabalak magtaas ng matrikula ay bumaba na. Umano’y nasa 258 unibersidad at kolehiyo ang orihinal na nagbabalak magtaas ng matrikula.
Marami nang nagsarang kompanya at marami nang nawalan ng trabaho. Marami nang OFWs ang pinauwi ng kanilang employer. At tiyak, may mga anak silang pinag-aaral. Paano pa maipagpapatuloy ng kanilang mga anak ang pag-aaral gayung wala na silang trabaho. Saan sila hahantong?
Pigilan ang pagtataas ng matrikula para naman hindi mahirapan ang mga magulang sa pagtataguyod ng kanilang mga anak. Huwag nang dagdagan ang kanilang pasanin.
- Latest
- Trending