(Huling bahagi)
DAHIL sa nangyari, napilitang magsampa ng kaso sa korte ang GDC upang mabawi ang mga gamit at upang sumingil ng danyos. Hiningi ng GDC na utusan ng korte ang PSI, si Simon at si Gary na isoli ang mga materyales na nakalista sa reklamo o ang katumbas nitong halaga na P3,885,750.69.
Ayon naman sa sagot ng PSI at ni Simon, ang mga dinideliver na mga materyales at gamit ang GDC sa compound ay mga materyales at gamit na binili ng GDC o kaya ay si Gary ang bumibili. Ang mga kagamitan daw ay iniimbak sa isang hiwalay na lugar na pinili ni Gary. Ayon din sa PSI, hindi raw ito nakikialam sa usapan ng GDC at ni Gary tungkol sa dinedeliver ng GDC kay Gary at ang dalawa lamang ang nag-uusap. Ayon naman sa sagot ni Gary, hindi naman daw siya pumayag na itambak ng GDC ang mga gamit nito sa compound na inuupahan niya. Ayon din sa kanya, si Simon, siya at ang PSI ay pare-parehong hindi pumayag na maglabas ng kagamitan ang GDC dahil ito ay personal na pag-aari ni Gary at hindi ng GDC.
Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang korte pabor sa PSI, kay Gary at kay Simon. Hindi naman daw napatunayan ng GDC na pag-aari nito ang nasabing mga materyales at walang kasunduan ang PSI at ang GDC na gamitin ang compound ng PSI. At ang may-ari ng mga materyales na si Gary. Sinang-ayunan ng CA (Court of Appeals) ang desisyon ng korte. Wala daw ipinakitang konkretong ebidensiya ang GDC na kukumbinse sa hukuman na pag-aari nga nito ang mga gamit na hinahabol. Tama ba ang CA?
MALI. May sapat na basehan mula sa mga inamin sa korte ng PSI at ni Gary pati na ang mga nakatalang ebidensiya sa korte upang mapatunayan na ang GDC ang nagdeliver ng mga materyales sa PSI compound. Inamin din ng PSI at ni Simon sa kanilang sagot na ang GDC ang nag-imbak at nagdeliver ng mga gamit sa PSI compound. Ang pag-amin nila na bumibili sila ng mga materyales sa GDC na nakaimbak sa kanilang compound ay katibayan na kinikilala nila na ang GDC ang may-ari nito at binibili nila di-umano ito.
Sa madaling salita, hindi lamang inintindi ng CA ang napakaraming ebidensiyang naipakita ng GDC tulad ng mga listahan, withdrawal slip at testimonya ng mga tauhan ng kompanya. Hindi ito kailanman itinanggi ng PSI, ni Simon at ni Gary sa kanilang sagot. Inihanda man ng mga tauhan ng GDC ang mga listahan, hindi naman ito basta inimbento lang. Hindi naman ito inihanda ng GDC upang gagamitin sa anumang magiging pagkakaso nito sa PSI. Ang anumang dokumento na ginawa kasabay ng transaksiyong pinasok ng kompanya bilang pruweba ng nasabing transaksyon ay mas matibay na ebidensiya kaysa basta simpleng testimonya ng isang testigo na base lang sa kanyang natandaan o naalala. (Golden (Iloilo) Delta Sales Corp. vs. Pre-Stress International Corp. et. Al., G. R. 176768, January 12, 2009).