Presyuhang gobyerno batay sa pagka-ganid
SA BENTAHAN ng lupa, dalawa ang kadalasang paraan ng presyohan. Ang appraised value ay batay sa binayarang real estate tax; ang market value ay batay sa umiiral na halaga sa pook.
Sa bentahan ng produkto o serbisyo, dalawa rin ang kadalasang batayan ng presyo. Maaring wholesale o maramihan, o kaya retail o tingi. Siyempre espesyal kaya mas mura ang una, kaysa huli.
Sa ilalim ng administrasyong Arroyo, isa lang ang kalakaran sa presyuhan ng lupa, produkto o serbisyo. Ito ay batay sa pagka-ganid sa kickback ng taga-aproba.
Halimbawa ay ang biniling lupa’t gusali ng isang departamento sa lungsod ng Maynila. Kung tutuusin, hindi kailangan ng ahensiya ang real estate na ‘yun. ‘Yun nga lang, pinagbigyan ng Kalihim ang nagbenta, isang matagal nang political contributor sa kanyang pagka-mayor. At mas mahalaga, asawa ng Kalihim ang nag-ahente ng property. Natural overprice ang presyo: P60 milyon para sa lumang gusaling P16 milyon na lang ang halaga. Malaki ang ginanansiya ng nagbenta. At malaki rin ang kumisyon ng Kalihim sa pamamagitan ng ahenteng asawa.
Sa paggawa ng kalsada humihingi ang governor o mayor ng “S.O.P.” na 20-25% mula sa kontratista. Pinaparte-parte ito ng pinuno at ng mga kasabwat na provincial o city engineer, tresurero at auditor. Gayun din sa pagbili ng produkto tulad ng gamot, o serbisyo tulad ng consultancy. Parating may tong-pats, ika nga. ‘Yan ang dahilan kung bakit manipis lang ang aspalto o mahina ang gamot o mabagal magtrabaho ang consultant.
Sa Senado at Kamara, 20-25% rin ang “kalakaran”. Pati mga akala mo’y malilinis na senador dahil sa husay ng PR ay may parte pala. Ang pinaka-matindi sa kickback ay ‘yung senador na wala pang naisasampang panukala, at bihirang suma-li sa debate. Ang hinihingi niyang parte ay 55% — 50% para sa sarili at 5% para sa chief of staff,.
Mas matindi sa ehekutibo. Alam na ng lahat na sa ZTE scam ay mas malaki ang kickback kaysa totoong proyekto: $200 milyon sa $329 milyon.
- Latest
- Trending