Brain attacks at heart attacks

MINSANG magkausap kami ng aking kaibigan na si Dr. Joven Cuanang, president ng Stroke Society of the Philippines, nakakuha ako ng mga mahahalagang impormasyon kaugnay sa tinatawag niyang “cardiovascular events” o “attacks” dahil sa interruption o pagtigil ng pagdaloy ng dugo sa vital organs kagaya ng puso at utak.

Ang atake sa puso o ang “myocardial infarctions” (M.I.) ay kinapapalooban ng pagbigat at pagsakit ng dibdib na animo’y may nakadagan at magdudulot ng pagtigil ng tibok ng puso at maaaring ikamatay. Ang stroke o brain attack ay ang pagkamatay ng brain tissue na nagiging dahilan nang napakahinang daloy ng dugo at oxygen sa utak. Ang stroke ay tinatawag ding cerebrovascular accident at maaaring magdulot ng paralysis, disability at biglaang pag­kamatay.

Sinabi ni Dr. Cuanang, na ang atake sa puso ay isa sa mga nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy sa kasalukuyan subalit sinabi rin niya ang stroke ay tila nalalampasan na ang atake sa puso. Marami nang nag­kakaroon ng stroke hindi lamang sa Pilipinas kundi sa maraming panig ng mundo. Tumataas, ayon kay Dr. Cuan­ang ang bilang ng mga nagkakaroon ng stroke.

Gayunman, sinabi pa ni Dr. Cuanang, na may mga pag-aaral nang ginagawa para mapigilan ang stroke. Sinabi niya ang tungkol sa paggamit ng anti-hypertensive drug based on Perindopril (generic name) ay nakapagdudulot para ma-reduced ang incidence ng stroke. Hindi lamang umano ang brain attaks ang napipigilan kundi pati na rin ang heart attacks.

Ipinayo rin naman ni Dr. Cuanang na para maiwasan ang pagkakasakit, dapat itigil ang paninigarilyo, magbawas ng timbang, uminom ng katamtamang alak, mag-ehersisyo ng regular at umiwas sa mga mamantika at maaalat na pagkain. Kumunsulta lagi sa doktor. Lagi pong isaisip ang kahalagahan ng kalusugan.


Show comments