EDITORYA L- Pag-asa, kahulugan ng Muling Pagkabuhay

K AHIT daw gaano man kadilim ang ulap na nasa papawirin, sa likod nito ay naroon ang walang kasing ningning na liwanag ng araw. Ang maitim na ulap ay nakaharang lamang pansamantala at magla­laho para muling sumikat ang bagong pag-asa. Ganyan din ang sinisimbolo ng Muling Pagkabuhay ni Panginoong Jesus na ipinagdiriwang ngayong araw na ito. Makaraan ang pagkamatay ni Jesus sa kamay mismo ng mga taong iniligtas niya, muli Siyang nabuhay pagkaraan ng tatlong araw. Ang kahulugan nito ay walang hanggang pag-asa.

Bago ginunita ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa Krus, isang matinding trahedya ang naganap sa Sta. Maria, Bulacan, kung saan isang pabrika ng Styrofoam ang sumabog at 12 katao ang namatay. Martes Santo ng gabi dakong alas otso nang gulan­ tangin ang mga residente ng Bgy. Guyong nang isang malakas na pagsabog. Kasunod ng pagsabog ay ang hiyawan ng mga tao sa isang pabrika ng Styrofoam — ang QC Styro Corp. Hindi makapaniwala ang mga tao sa nasaksihan sapagkat halos kalahati ng pabrika ay nawasak dahil sa lakas ng pagsabog. Nawasak ang bubong at ang konkretong pader ay mistulang pinul­bos dahil sa pagsabog. Ayon sa report, nag-overheat ang isang tangke ng gumagawa ng Styrofoam kaya sumabog. Sa lakas ng pagsabog ay anim na mangga­gawa agad ang namatay on the spot. Ang anim pa ay sa ospital na nalagutan ng hininga, Karamihan sa mga namatay ay natabunan nang gumuhong pader, bubong na yero at mga bakal na suporta. Karamihan sa mga namatay ay mga night shift workers.

Sabi ng pulisya, ihahanda na nila ang pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng QC Styro Corp. Umano’y ang tangkeng sumabog ay 24 na taon nang ginagamit. Sabi naman ng namamahala sa pabrika lagi nilang tsinitsek ang kondisyon ng kanilang mga makina. Aksidente umano ang lahat.

Hindi makapaniwala ang mga kaanak ng namatay sa nangyari. Ang isa ay walang tigil sa pag-iyak sapag­kat hindi man lamang daw siya nakahingi ng tawad sa namatay na kapatid. Ang isang ina ay halos mawala sa sarili sa pagkamatay ng anak sapagkat ito lamang daw ang inaasahan niyang naghahanapbuhay. Napu­no ng iyak at sigaw ang pinangyarihan ng pagsabog.

Masakit at mapait ang nangyari. Subalit gaano man kasakit at kapait ang mga nangyari, may pag-asa pa rin sa kinabukasan. Meron pa ring liwanag na sisikat. Katulad ng pagkamatay at muling pagkabuhay ng Mananakop.

Show comments