Panatilihin po ang pag-iingat

KALUNUS-LUNOS ang sinapit ng 12 empleyado ng QC Styrofore Packaging Corporation matapos sumabog ang boiler sa Bgy. Guyong, Sta. Maria, Bulacan noong Martes Santo. Nagkalasug-lasog ang katawan ng mga biktima nang mahukay ng mga nagresponding rescue team. Sa inisyal na report ni F/SSupt. Absalon Sipagan, Ground Commander Provincial Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP) nakilala ang mga biktima na sina Erlies Eskista, Michelle Agana, Joan Camacho, Morena Villanueva, Eduardo Vallejos, Arnel Maniego, Normalyn Oredo, Rafael Pante,Marilou Uson at apat pang hindi nakikilala. Ang bangkay ng mga ito ay pansamantalang dinala sa Rogasciano Hospital habang ang anim na sugatan ay kinuha ng mga kaanak at dinala sa mga kalapit na hospital upang doon gamutin.

Sa report ni Sipagan, nagmula umano ang pagsabog sa boiler tank na katabi ng packaging building kung saan hinihi­nalang may 35 katao ang nagtatrabaho. Halos gumuho ang buong gusali dahil sa napakalakas na impact ng bakal ng boiler kaya sumambulat ang mga pader at bubungan ng naturang pabrika.

Nagkaroon pa ng bangayan sina Sipagan at mga guwardya ng naturang pabrika nang pagbawalan kami (grupo ng media) makapasok upang idukomento ang buong pangyayari. Hehehe! Okey lang sana kung ang lahat ng media ay hindi pinayagang pumasok sa naturang sakuna. Ang masakit, may pinipili ang mga guwardya na papasuking miyembro ng media. Kabilang ako sa pinagtutulukan ng mga ito. Halatang may itinatagong milagro ang mga ito kaya pilit kaming itinataboy na makunan ang kalunos-lunos na pangyayari.

Mga Brother, huwag naman kayong namimili ng media na papasukin at para maka-exclusive sa pangyayari. Trabaho naming kunan ang lahat ng kaganapan sa inyong tinatanuran, upang iparating sa madlang people upang magsilbing babala sa mga kompanya at nang maiwasan ang ganitong pangyayari. Trabaho lang mga Brothers, yan ang dapat n’yong tandaan. Get n’yo mga suki? Hindi lamang para sa diyaryo ng aming mga kom­panya ang aming pakay sa pagpupumilit na makapasok sa inyong mga tinatanuran. Ito’y sa kapakanan din ng mga kaanak ng mga biktima upang malaman ang buong pangyayari at upang maiparating din sa kanilang mga mahal sa buhay na nasa malayong lugar. Okey ba mga Brother?

Agad kong ipinarating kay Region-3 director Chief Supt. Nilo Dela Cruz, Police Regional Office ang buong pangyayari at agad naman itong tumugon at kanyang ipinadala si SSupt. Allen Bantolo upang magsagawa ng masusing imbestigasyon. Ayon kay Dela Cruz, madilim umano ang lugar ng pinagsa­bugan at nagkalat ang mga tipak na semento at bakal kaya hindi agad makuha ang mga biktima.

Nagdagdag pa si Dela Cruz nang maraming pulis upang tumulong sa paghukay sa gumuhong pabrika dahil ayon sa kanya marami pa ang natatabunan ng pagguho. At habang nagsasagawa ng retrieval operation ay kakasuhan nila ng reckless imprudence resulting to multiple homicide ang may-ari na si Chua. Tutulungan din ni Dela Cruz ang mga kaanak ng mga biktima na mapanagot ang may-ari ng kompanya kung sakaling lumapit ang mga ito.

Ang kalunus-lunos na pagsabog sa QC Styrofore Corporation ay paalala lamang ito sa lahat ng ating mga trabahador na mag-ingat. Sabi ng mga nakatatanda na magtika at mag-ingat tuwing Holy Week dahil malapit ang disgrasya. Ingat po kayo.


Show comments