No deal
ANG Abu Sayyaf ay grupong terorista na walang adhikaing ipinaglalaban. Walang ideology at ang tanging ginagawa ay mangidnap at mangulimbat na gawain ng mga tulisan. Hindi sila katulad ng MNLF, MILF o NPA na may prinsipyong ipinaglalaban.
Wala raw plano sina Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. at Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na makipagnegosasyon sa mga bandidong grupo. Tama iyan kung ako ang tatanungin. Ang ano mang negosasyong papasukin ng gobyerno sa grupong ito ay magbibigay lang ng status of belligerency sa grupo. Ibig sabihin, kinikilala ng pamahalaan ang ano mang causa na ipinaglalaban nila.
Hangga ngayon hawak pa rin ng Abu Sayyaf ang dalawa pang nalalabing miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na bihag sa lalawigan ng Sulu. Nauna nang pinalaya ang isa sa kanila, ang Pilipinang si Mary Jean Lacaba. Sinasabing walang ransom na binayaran pero mahirap paniwalaan iyan. Malalagay sa kahihiyan ang pamahalaan kapag inaming may ransom dahil patakaran ng alin mang gobyerno na huwag makipagnegosasyon sa ganyang klase ng mga grupo.
Ngunit kung nagbayad man ng ransom ang sino man, hindi mo sila masisisi. Ako man marahil ang kaanak ng isang kinidnap ay handang magbayad ng halaga basta lumaya lang ang mahal ko sa buhay.
Nauna rito, ipinaabot na umano ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad kay Sulu Governor Abdusakur Tan na nais nilang makipagnegosasyon kina Teodoro at Puno kaugnay ng pagpapalaya sa dalawa pa nilang bihag na sina Swiss national Andreas Notter at Eugenio Vagni, Italian. Totoong hindi naayon sa batas at hindi maganda sa buong pamahalaan na makipagnegosasyon sa mga terorista.
Ang problema ng pamahalaan ngayon ay kung papaano mapipigilan ang panliligalig ng grupong ito na tila ginawa nang cottage industry ang pangingidnap at wala nang sinisino.
Kailangan marahil ay ituring nang mga tulisan ang grupong ito at gumamit na ng kamay na bakal laban sa mga bandidong ito upang matapos na ang kanilang kabuktutan.
- Latest
- Trending