Dapat kumandidato ang mga hindi trapo

BAKIT maraming kontra sa pagtakbo ng mga non-traditional politicians sa panguluhan? Iniisip agad ng mga sumasalungat na hindi naman mananalo ang mga ito.

Yan na nga ang dahilan kung bakit hindi nagwawagi ang mga hindi politiko. Agad iniisip ng isang botante na kahit iboto niya ang mga ito ay matatalo rin kaya ang ibinoboto ay yung mga kilalang politiko. Para sa akin, hindi baleng matalo ang isang kandidatong inaakala kong karapatdapat basta’t ibinoto ko. At least, hindi ako kasama sa mga magsisisi kapag ang naluklok na Pangulo ay nuknukan ng kapalpakan.

Kamakailan, matapos ilunsad ni Bro. Eddie Villanueva ang Bangon Pilipinas, Bangon Pilipino Movement, marami ang napataas ang kilay. Bagamat wala pang pormal na proklamasyon si Bro. Eddie na kakandidato siyang muli sa pagka-pangulo, agad binatikos ang kilusang inilunsad para itaguyod ang mabuting pamamahala o good governance.

Hindi lang si Bro. Eddie ang napapabalitang ibig tu­makbo sa pagka-pangulo. Naririyan din si Pampanga Governor Ed Panlilio at El Shaddai leader Mike Velarde. Ang sabi ni “running priest” Fr. Robert Reyes, huwag na lang tumakbo sa pagka-pangulo dahil tiyak na matatalo. Pansariling ambisyon lang naman daw ang habol ng mga ito. Kay Bro. Eddie, sinabi ni Reyes na natalo na raw nung unang kumandidato si Bro. Eddie kaya huwag na lang daw humirit uli. Bagkus, sumuporta na lang daw sa karapat-dapat na kandidato.

Why is it na kapag ang isang taong may mabuting layunin ang tatakbo, agad sinasabi ng mga kritiko na ito’y makasariling ambisyon? Sa palagay ko dapat silang bigyan ng benefit of the doubt. Kung sa mga nakaraang panahon ay paulit-ulit tayong bumoto sa mga traditional politicians at nabigo, walang masama kung su­subukan naman natin ang mga non-traditional. It’s about time na may lumantad pang mabubuting tao na kakan­didato sa pagkapa­ngulo para may mapagpilian ang mama­mayan ha­bang maaga pa.

Show comments