LABINLIMANG buwan na lamang sa puwesto si President Arroyo. Sa June 2010 ay bababa na siya sa puwesto. Sa loob ng 15 buwan na ilalagi pa niya sa puwesto, marami pang mangyayari. Isa riyan ay ang pagpapatawad o pagbibigay ng clemency sa mga convicted criminal. Maaaring makalaya ang mga high-profile convict na matagal nang nag-aabang sa pasya ng Presidente. Si Mrs. Arroyo lamang ang makapagbibigay ng go signal para mapalaya ang convicted criminal sapagkat isa iyon sa kanyang prerogative. Kung anuman ang gustuhin niya ay puwede lalo na nga sa pagbibigay ng clemency.
At tila ang ganitong karapatan ng Presidente ay masyado nang naaabuso. Paano’y sunud-sunod ang pagbibigay niya ng patawad sa mga itinuturing na high-profile convict. Ang latest na napagkalooban ng clemency ni Mrs. Arroyo ay si Rodolfo Manalili, isa sa convicted murderers ng mga estudyanteng sina Cochise Bernabe at Beebom Castanos.
Bago ang pagbibigay patawad kay Manalili, una nang nagawaran ng kapatawaran si child rapist Romeo Jalosjos. Noong 2007 pa umugong ang bulung-bulungan na makalalaya si Jalosjos. Noong Pasko ng December 2008 ay nakauwi sa kanyang probinsiya si Jalosjos.
Nakalaya rin ang convicted-priest killer na si Norberto Manero noong Jan. 25, 2008. Si Manero ang naakusahang pumatay sa Italian priest na si Tulio Favali noong April 11, 1985. Umano’y kinain pa ni Manero ang utak ng pari. Si Manero ay miyembro ng vigilante group na Ilaga na namayagpag sa panahon ni Marcos kung saan maraming paglabag sa karapatang pantao.
Nitong nakaraang February ay pinalaya na rin ni Mrs. Arroyo ang 10 pang convicted soldiers na kasangkot sa Ninoy Aquino assassination. Noong nakaraang taon pa sinimulang palayain ang mga sundalong sangkot sa Ninoy-Galman murder. Ang pagpapalaya sa mga sundalo ay labis na ikinagulat ng pamilyang Aquino. Hanggang ngayon hindi pa lubusang alam ang “utak” sa Ninoy murder.
Pinalaya na rin noon ni Mrs. Arroyo si Claudio Teehankee, anak ng dating Supreme Court chief Justice, na naakusang pumatay kay Maureen Hultman at boyfriend nito.
Sino pang high-profile convict ang makakatikim ng clemency ni Mrs. Arroyo bago siya bumaba sa puwesto? Si Rolito Go, Antonio Sanchez…?
Karapatan ng Presidente ang magkaloob ng kapatawaran pero inaabuso na. Hindi na rin nakikita ang epekto sa mga kaanak na nabiktima ng kanyang mga pinatawad at pinalaya.