Naghanap ng pugad
Kami’y dalwang ibon na lipad ng lipad
naghahanap kami kung saan pupugad;
Kaya isang araw kami ay napadpad
sa bubong ng isang bahay na mataas!
Nang kami’y dumapo sa tabing-bintana
ay nakita naming – batang lumuluha;
Siya’y nag-iisa sa kamang magara
pagka’t ama’t ina ay nagbubunganga!
Nang aming marinig kanilang usapan
sabi ng babae: “Di mo pinakinggan –
na lubhang masama sobrang magpayaman
kaya ngayon tayo’y bagsak sa kulungan!”
Sumagot ang ama: “Huwag kang manisi
ikaw ang maysala kung kaya nangyari
na sa racket natin tayo ay nahuli
sa sobrang luho mo at sugal parati!”
Umalis na kami sa tahanang iyon
at dumapo kami sa sanga ng kahoy –
na lubhang malapit sa bahay sa burol
doon ay tahimik walang nagmamaktol!
Kahi’t maaga pa ay aming nakita –
batang naroroo’y masayang masaya;
Siya’y naglalaro kahi’t nag-iisa
pagka’t masaya rin ang ama at ina!
‘Luto na ang ating mabangong almusal,”
sabi ng babae sa lalaking mahal;
Sila ay dumulog sa hapag-kainan
ulam ay tinapa at nagsusubuan!
Tinawag ng ina bunsong naglalaro
at sila’y kumaing masaya ang puso;
Ang pinagsaluhan ay mula sa tulo
ng pawis ng amang mabait matino!
Dahil sa nakitang ayos na pamilya –
dito na lang kami’t di na lalayo pa;
Kami’y dalwang ibong laging magkasama
gagawa ng pugad sa nakitang sanga!
- Latest
- Trending