KUNG may isyung pinakamalapit sa puso ng mga taga PANDACAN, ito ay ang pananatili o pagpatalsik ng mga OIL DEPOT sa baybay ng Ilog Pasig. Sa ngayon, ang estado ng mga OIL DEPOT ay “ON THE WAY OUT” batay sa itinakda ng Manila Ordinance 8027 at 8119. Ang kinatitirikang industrial zone ay ni-reclassify ng Konseho ng Maynila sa isang commercial zone kaya bawal na ang mga heavy industry tulad ng storage facilities ng mga kumpanya ng langis. Kinumpirma ng Supreme Court ang kapangyarihan ng Lungsod na ipatupad ang ganitong uri ng zoning reclassification kahit pa man maapektuhan ang mga establisimentong nauna nang naitayo. Higit daw na mahalaga ang kapakanan ng nakararami – kaysa mga karapatan ng mga negosyo o industriyang apektado.
Ang kapakanan ng nakararami. Hanggat walang naiimbentong mekanismo upang mawari ang eksaktong sentimyento ng bawat isang botante, pwersado pa rin tayong lulunin ang paniwala na ang posisyon ng iyong kinatawan na konsehal ay posisyon ng nakararami. Kaya nang ipasa ang Ord. No. 8027 at 8119, tanggap ng Hukuman na ito ang boses ng Maynila. Subalit may bago ngayong panukala ang Konseho, ang Draft Ordinance No. 7177 na nais ibalik sa lungsod ang mga industrial zone, kasama na ang sa Pandacan. Translation: ang “ON THE WAY OUT” na mga Oil depot ay maaring “ON THE WAY BACK!” Siyempre, nagiging madugo ang bakbakan ng mga magkatunggaling konsehal, kapwa pinangangalandakan ang interes daw ng Manilenyo.
Hindi maaring pangunahan ang mga halal na opisyal sa mga inihahaing panukala. Hindi tayo katulad nilang babad sa konsultasyon at araw-araw kasalamuha ang kanilang mga botante. Higit kanino ay alam nila ang sinasaloob ng kanilang kinakatawan. Ang mayor din, na isang mahalagang bahagi ng pagsasabatas ng ordinansa dahil kailangan ang kanyang pirma upang magkabisa, ay maraming sasalaing tinig upang malaman ang tunay na damdamin ng nakararami.
Sa mga debate sa Draft Ordinance 7177, malalaman natin sa boto ng mga konsehal kung ano ang basa nila sa damdamin ng Maynila sa ngayon. Sino man ang tanghaling panalo, sa isang bagay lang nakasisiguro: ipinaglalaban ng mga konsehal ang interes ng Manilenyo habang ang ipinaglalaban ng oil companies ay ang sarili lang nilang interes.