EDITORYAL - Tumataas na naman bilang ng kidnapan
MARAMI na sana ang natutuwa dahil kamakailan lang ay sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ang mga nagaganap na krimen sa Metro Manila dahil sa maigting nilang pagbabantay at paglalagay ng checkpoints. Totoo naman ang sinabi ng PNP sapagkat sa gabi ay nagsasagawa ng pagrekisa sa mga kahina-hinalang motorista ang mga pulis. Target nila ‘yung mga nambibiktima sa mga 24-hour stores at iba pang establisimento na karaniwang sinasalakay ng mga sandatahang lalaki na nakauniporme ng pulis at mahahaba ang armas. Totoong napigilan nila sa Metro Manila pero kamakalawa, sa probinsiya naman sumalakay ang grupo. Isang mall sa Sta. Cruz Laguna ang hinoldap at nalimas ang maraming mamahaling paninda.
Ang pangyayari ay nagpapakitang bumabalik na naman ang mga masasamang loob. Nagpalamig lamang para mailigaw din ang mga awtoridad. Pero ang isang nakababahala sa kasalukuyan ay ang paglobo muli ng kidnapping at hindi lamang mga Chinese-Pilipino ang binibiktima kundi pati mga Indian at Korean.
Ayon kay Teresita Ang-See, pinuno ng Movement for Restoration of Peace and Order, 40 insidente ng kidnapping ang naganap mula January hanggang March 2009. Ito umano ay kalahati ng mga naganap na kidnapping noong 2008. Ibig sabihin mas maraming nakidnap noong 2008. Pero, tatlong buwan pa lamang ang nalalagas sa 2009 at may natitira pang siyam na buwan. Hindi kaya mas marami pa ang maganap sa nalalabing mga buwan? Sabi ni Ang-See ang financial crisis na nangyayari sa kasalukuyan ang itinuturo niyang dahilan kaya tumataas ang bilang ng kidnapping.
Habang tumataas ang kidnapan sa Metro Manila, patuloy pa rin namang hawak ng mga teroristang Abu Sayyaf ang tatlong Red Cross Workers na kinidnap noon pang January 15. Kahapon, nagbanta ang Sayyaf na pupugutan ng ulo ang mga bihag.
Balik sa dati ang sitwasyon at tila mas lalo pang sumasama sapagkat patuloy na tumataas ang bilang ng nakikidnap. Dapat magpakita pa ng husay ang PNP para lubusang madurog o mapulbos ang kidnapping for ransom. Kapag hindi napulbos ang mga ito, huwag nang asahang may dadalaw pang turista sa bansa. Kahit ano pang promosyon sa turismo ang gawin, wala ring epekto kung patuloy ang kidnapping. Ipakitang kaya nila ang problemang ito.
- Latest
- Trending