Parusa sa kagawad na nameke ng resolusyon ng barangay

KASO ito tungkol sa isang resolusyon na diumano ay ipinasa ng isang barangay sa Laguna noong Setyembre 24, 1995 kung saan naglaan ang naturang barangay ng P18,000 panggastos sa isang seminar na dadaluhan sana ng barangay kapitan na si Larry at Kalihim na si Nandy. Dapat ay may sesyon ang bara­ngay nang araw na iyon ngunit sina Larry, Manny, Mando at Cardo lamang ang dumalo kaya hindi rin nakabuo ng quorum ang mga kagawad.

Bandang huli, nadiskubre nina Manny, Mando at Carlo ang kopya ng resolusyon ng barangay bilang T-95 na kinopya raw sa rekord ng sesyon na ginawa noong Setyembre 24, 1995. Ipinasa raw ng lahat na dumalo na kagawad ang nasabing resolusyon. Ayon sa titulo ng resolusyon bilang T-95, inaapru­ bahan ng Sanggunian ang paglalaan ng 18,000 para kay Larry at Nandy. Si Rene raw ang nagpanukala ng nasabing resolusyon at sinegundahan ito ng kapwa kagawad na si Ric samantalang hindi naman talagang dumalo ang mga ito sa sesyon. Pumirma si Nandy bilang kalihim upang patunayan na napasa ang nasabing resolusyon at pinatotohanan naman ito ng barangay kapitan na si Larry. Dahil sa mga nadiskubre, napilitang mag­patawag ng espesyal na sesyon ang Sanggunian noong Oktu­bre 15, 1995. Pito sa kagawad na diumano ay nagpasa ng nasabing resolusyon ay nagpatunay na talagang walang sesyon na naganap noong Setyembre 24, 1995.

Nagsampa ng kasong “falsification of public documents” sina Manny, Cardo at Mando sa Ombudsman ng Luzon. Kinalaunan, kinasuhan ng huli sa korte sina Larry at Nandy alinsunod sa batas ( Article 172 (2) Revised Penal Code). Napatunayan na nagkasala sila at hinatulan ng pagkakakulong na hindi bababa ng mula apat 4 na taon at 2 buwan hanggang 8 taon at 2 buwan.

Kinuwestiyon nina Larry at Nandy ang desisyon ng korte. Ayon sa kanila, draft lang daw ang nasabing resolution isang linggo bago iskedyul ng sesyon. Hindi naman daw sila naki­nabang dito at hindi rin naman naperwisyo ang publiko sa nangyari. Tama ba sila?

MALI. Ang resolusyon bilang T-95 ay isang public document. Nagsisilbing talaan ang dokumento ng mga opis­yal na aktibidades ng isang lingkod bayan maging sa loob o labas man ng bansa. Tulad na lang halimbawa ng mga resolusyon at ordinansang ipinapasa ng Sanggunian, si­nasalamin nito ang mga gi­nawa ng mga kagawad sa pagpapatupad ng tungkulin nilang gumawa ng batas sa kanilang nasasakupan. Ang desisyon kung saan gagas­tusin ang kaban ng yaman at ang resolusyon bilang T-95    ay nabibilang sa mga pam­publikong dokumento.

May numero ito, selyado, may sertipikasyon at pirmado pa kaya’t hindi masasabing draft o sample lang ang na­sabing resolusyon. Kumpleto ito pati ng bilang ng kagawad na dumalo sa sesyon at kung sino ang nagpanukala at sumegunda sa resolusyon. Ang resolusyon din na ginawa ng pitong kagawad noong Oktubre 15, 1995 ay malinaw na nagsasaad na walang sesyong naganap noong Sept. 24, 1995.                                                                                                                                                                                                                                                 

Lahat ng elemento ng krimen ay naririto sa kaso. Ang mga sangkot ay opisyal ng gobyerno, ginamit nila ang   kanilang posisyon sa gobyerno para sa pansariling interes, pineke nila ang pirma ng mga kagawad at pinalabas na pumirma sila sa resolusyon kahit wala naman sila sa sesyon.

Hindi importante sa kaso kung nagtagumpay man ang maysala o hindi. Hindi rin importante na walang naar­gab­yado sa nangyari. Ang pina­rurusahan ng batas ay ang kawalang-galang sa katotohanang nilalaman ng nasabing dokumento (Goma and Umale vs. Court of Appeals et. Al., G.R. 168437, January 8, 2009).


Show comments