NU’NG sinisiyasat ang kaso ng Alabang Boys nu’ng Enero, may napansing kataka-taka ang mga kongresista kay Justice Sec. Raul Gonzalez. Hayo’t sinabon niya ang narcotics major sa pagdungis sa departamento niya nang akusahang nasuhulan ang prosecutors para pahinain ang kaso ng drug suspects. Pero anila halatang napakabait niya sa abogado ng suspects na gumamit ng stationery ng opisina niya nang walang pahintulot. Noon din, inatasan ni Gonzalez na imbestigahan ng NBI ang suhulan. Pero maya’t maya niya pinawalang-sala ang prosecutors miski hindi pa nakapag-susumite ng ulat ang agents. At iginiit niya sa Kongreso na parati niyang tinitiyak na sinusunod ang mga utos niya. Pero wala siyang kibo nang sumum-pa ang prosecutors na hindi nila puwedeng sunurin ang isang partikular na direktiba dahil baka mahabla sila ng paglabag ng civil rights.
Napabalita ang iba pang di-maintindihang kilos ni Gonzalez. Sa kaso ng Balasan Boys, umamin ang Iloilo chief prosecutor na hindi niya alam na may utos si Gonzalez na otomatikong rerepasuhin niya lahat ng drug cases. Kibit balikat lang ang Kalihim sa subordinate na sumusuway sa kanya. Mas malala ang kaso sa Zamboanga City. Nirepaso ni Gonzalez — at inaprubahan nu’ng 2007 — ang paghabla sa isang drug lord na Tsino. Pero nitong nakaraang Disyembre, sa gitna ng paglilitis, ipinaatras niya sa city prosecutor ang habla dahil umano’y “mahina ang ebidensiya.”
Dapat ikagalit ng amo ni Gonzalez na si Gloria Arroyo ang malimit na pag-urong-sulong niya. Inip pa naman si Presidente sa mga kasong droga, kaya umaakto ngayon bilang anti-drug czarina. Personal pang nirepaso ang kaso ng Alabang Boys: Ipinahabla ang tatlong suspects, pina-suspinde ang limang sangkot umano sa suhulan, at pina-imbestigahan ang major dahil sa pagpapalaya sa driver sa buy-bust operation. Pero tila pinalalampas ni Arroyo ang pagbali-baliktad ni Gonzalez sa mga isyu. Kung bakit, silang dalawa lang ang nakaaalam.
Hindi lang sa mga kasong droga baliktarin si Gonzalez. Gan’un din siya sa ibang mga kasong kriminal. Bakit kaya? (Itutuloy bukas)