Kontaminasyon ay katumbas ng katiwalian at anomalya
NAPAKAHALAGA talaga ng malinis na pangalan sa anumang bagay o aspeto. Alam na ng lahat ang pagsuspinde sa Samuya Food Manufacturing, Inc. dahil nakitaan ng Salmonella ang kanilang produktong peanut butter at iba pang ginagawang pagkain. Pero ang totoo ay ang kanilang planta lang sa Pasay City ang sinuspinde at pinatigil ang operasyon dahil sa paglabag ng ilang patakaran at ordinansiya hinggil sa malinis at ligtas na paggawa ng pagkain.
Pero ang nangyari ay halos lahat na ng produkto ng Samuya ay tinanggal na ng mga pamilihan, sa takot na baka kontaminado na rin ang lahat ng produkto nila. Ganun na rin ang pananaw ng mamimili. Base sa pangalan na lang ang pag-iiwas sa pagbili ng mga nasabing pagkain. Kaya malaking pagkalugi na ang inaabot ng kompanyang Samuya, sa hindi pagbili ng mga produkto nila, kahit wala nang kinalaman sa Salmonella katulad ng bagoong, salabat at noodles.
Dito mo makikita na marunong na mag-ingat ang taumbayan. Kusang kumilos para hindi mailagay sa peligro ang kanilang mga minamahal sa buhay. Malaking tiwala ang dapat maipakita ng isang kompanyang pagkain sa mamamayan. Mahalagang malaman na malinis at ligtas ang kinakain mo. Sa pagpili ng kandidato itong darating na eleksyon, ganun din ba ang pag-iingat ng mamamayan, o iba na ang nagiging prinsipyo?
Kung sa pagkain ay nagtitiwala lang ang tao sa mga kumpanyang walang kasaysayan o bahid ng pagkadumi o kontaminasyon, di ba dapat sa kandidato ay mas lalo na? Di ba’t mahalaga na ang ilalagay sa pinakamataas na posisyon sa bansa ay kilalang marangal, at walang kasaysayan o bahid ng katiwalian at anomalya? Hindi naman siguro kayo iyong mga nabibili ang boto ng mga kandidatong walang pag-asang manalo sa sariling plataporma. Kasi kung ganun, kung babayaran kayo para kumain ng peanut butter na may Salmonella, kakainin niyo na ba?
Ang kandidatong may bahid ng katiwalian o anomalyang kinasangkutan ay tulad na rin ng pagkaing kontaminado. Masarap ang peanut butter, at kakain ka talaga nito kapag inalok. Pero magsisisi ka na lang kapag kontaminado ito at nagkakasakit ka na. Kung alam mo nang kontaminado, hindi mo na bibilhin o kakainin kahit libre pa! Ganun na ganun ang kandidato. Kailangan malinis, at walang bahid o kasaysayan ng katiwalian. Marami diyan, kontaminado na kaya dinadaan na lang sa magandang balot at presentasyon. Pero kapag nasa tahanan mo na at binuksan mo, bulok pala!
- Latest
- Trending