ALAM n’yo bang malaki ang kaugnayan ng pag-aagam-agam (anxiety) sa pagtaas ng cholesterol level? Maaaring hindi kayo maniwala pero batay sa mga pag-aaral, ang mga taong laging nag-aagam-agam o may itinatagong negatibong emosyon ay tumataas ang level ng cholesterol kaysa sa mga taong relax at kampante. Ayon sa pag-aaral, mas madaling tumaas ang cholesterol ng mga kalalakihan kaysa kababaihan. Mas marunong daw kasing makitungo ang kababaihan sa kanilang sarili at hindi sila kara-karakang nag-aagam-agam o nababagabag.
Ang mga kalalakihang may mababang cholesterol level ay matapat sa kanilang emosyon at hindi nag-aagam-agam. Hindi nila itinatago ang kanilang problema. Ang mga kalalakihang itinatanggi o nagtatago ng emosyon ay may averaged cholesterol levels na 200mg/dl — 40 points na mas mataas kaysa sa mga kalalakihang hindi nagtatago ng emosyon at hindi nababagabag.
Ang pag-aagam-agam ay natural subalit kapag masyadong nakapangibabaw, ang katawan ay nagta-transport ng fat palabas ng storage at sasama sa dugo. Kapag grabe ang pag-aagam-agam matindi ang response at mas maraming mapanganib na fat ang mananatili sa mga ugat na magiging dahilan ng pagtaas ng cholesterol.
Kaya sa mga tao o mga kalalakihan na mataas ang cholesterol at patuloy na umiiwas sa mga pagkaing may mataas na fat content at umiiwas sa paninigarilyo, huwag itago ang emosyon. Maging totoo sa inyong sarili. Huwag mabagabag sa kaunting problema. Ang pag-amin na kayo ay may problema o anupamang suliranin ay malaking tulong para mapabuti ang kalusugan. Huwag mag-agam-agam para hindi tumaas ang cholesterol.