Arroyo admin takot mag-'I shall return' si Erap?
AKO at ang aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nagkatawanan na lang sa panggigigil na naman ng administrasyong Arroyo na gipitin si Presidente Erap dahil sa retratong nakasakay sa isang ni-restore na World War II military jeep na may nakakabit na replica ng 30-caliber machine gun.
Ang larawan ay kuha sa isang parada ni Presidente Erap sa Carmen, Cebu kamakailan kung saan, kasama niya si Makati City Mayor Jejomar Binay na pangulo ng United Opposition (UNO) at si Carmen Mayor Sonia Pua. Ang naturang parada ay bahagi ng “Lakbay Pasasalamat caravan” ni Presidente Erap bilang pagtanaw niya ng utang na loob sa mga patuloy na sumusuporta sa kanya.
Natakot umano kasi ang administrasyong Arroyo sa pahayag nang marami na napaka-“powerful” ng mensahe ng naturang larawan na para bang ala-McArthur daw si Presidente Erap at nagdedeklarang “I shall return.”
Hay naku! Paranoid talaga itong administrasyong ito sa posibleng pagbalik ni Presidente Erap sa pamumuno ng ating bansa, kung pagbibigyan niya ang ganitong kahilingan ng nakararaming kababayan base na rin sa consistent na pamamayagpag niya sa mga survey ng tinatawag na “presidentiables.”
Gayunpaman, si Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment (COCLE), ay naniniwalang sa halip na matakot at manggigil ang administrasyon sa retrato ay dapat kumilos na lang upang tugunan ang mga pangangailangan ng taumbayan laluna sa trabaho at serbisyo publiko.
Iniimbitahan ko ang ating mga kababayan na sumali sa “trivia contest” sa nationwide radio program ni Jinggoy na “Boses ng Masa” tuwing Biyernes, 5:30-6 p.m. sa DZRH.
Ang kasalukuyang trivia contest question: “Saan nagtapos ng elementarya at high school si Sen. Jinggoy Estrada?”
Ang mapipiling tamang sagot ay mananalo ng “50% discount certificate” mula sa Informatics at sa tanggapan ni Jinggoy.
- Latest
- Trending