MATINDI na ang nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa bansang ito at wala namang kakayahan ang pamahalaan na panagutin ang mga umaabuso. Naipapasa-diyos na lamang ng mga kaanak ng biktima ang paglutas sa mga karumal-dumal na krimen. Paano nga’y walang maaasahan sa pamahalaan para panagutin ang mga kriminal. Ang ganitong kasamang sitwasyon sa Pilipinas ay hindi naman nakaliligtas sa paningin ng mga dayuhang organisasyon kaya lantaran ang kanilang pagbatikos sa pamahalaan para agad lutasin ang mga pagpatay.
Ang 2008 ang itinuturing na pinaka-madilim na taon para sa mga mamamahayag. Pitong mamamahayag ang pinatay noong nakaraang taon at ang mga ito ay hindi pa nalulutas. Bukod sa mga mamamahayag, walang awang pinapatay din ang mga pinaghihinalaang kaanib ng mga makakaliwang grupo o ang New People’s Army.
Isa sa mga hayagan kung bumatikos sa pamahalaan ay ang New York-based Committee to Protect Journalists na nagsabing ang Pilipinas ang pinakadelikadong bansa sa mga mamamahayag. Nagpahayag naman ang European Union Parliament ng pagkabahala sa mga hindi maipaliwanag na pagpatay sa bansa.
Ang ganitong hayagang pagbatikos ay naramdaman naman ni President Arroyo kaya naman ipinag-utos niya sa Philippine National Police na protektahan ang mga journalists at seguruhin ang kaligtasan ng mamamayan laban sa mga kriminal o masasamang-loob. Wala na raw dapat political killings na mangyayari. Dapat daw maging “zero” ang political killings. Ang utos ay ginawa ng presidente nang magtalumpati sa graduation ng Philippine National Police Academy (PNPA) kamakalawa.
Kung ganito ang gustong mangyari ni Mrs. Arroyo, dapat pakilusin niya nang lubusan ang PNP. Lutasin ang mga pagpatay at iharap sa korte ang mga salarin. Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang mga pagpatay pero walang nahuli para pagbayarin sa kasalanan. Kamakailan, ginahasa at pinatay ang anak na babae ng isang NPA commander at hanggang ngayon, wala pang naaaresto sa karumal-dumal na krimen.
Kung ibig na “zero” ang political killings, pakilusin ang mga awtoridad para wala nang bumatikos. Tapusin ang paglabag sa karapatang pantao.