Isang garapon at 2 beer
KAPAG sobrang gumugulo ang buhay, at tila kapos ang 24 oras ng araw, tandaan lang ang kuwento ng garapon ng mayonnaise at dalawang beer:
Pumasok ang propesor sa philosophy class at inilapag sa desk ang ilang bagay para kita ng lahat. Walang imik, hinila niya ang malaking basyong garapon ng mayonnaise at siniksikan ito ng golf balls. Saka niya tinanong ang mga estudyante kung puno na ang bote, at lahat umoo.
Tapos dinampot ng propesor ang kahon ng graba, at ibinuhos ang maliliit na bato sa garapon. Inalog niya ito; gumulong ang graba sa mga puwang sa pagitan ng golf balls. Muli tinanong niya ang mag-aaral kung puno na ang garapon, at muli lahat ay tumango.
Kinuha naman ng propesor ang supot ng buhangin at binuhos ang laman sa garapon hanggang halos umapaw. Habang tinataktak niya ang garapon, tinanong niya ang mga klase kung sa palagay nila ay puno na talaga ito. Lahat pa rin ay nag-oo, bagamat pabulong dahil sa alinlangan.
Nabigla ang klase nang magbukas ang propesor ng dalawang bote ng beer. Binuhos ng propesor ang inumin sa garapon, hanggang napuno ang mga puwang sa pagitan ng mga butil ng buhangin. Inunahan na siya ng klase. Nagtatawanan nilang tiniyak na puno na nga ang garapon.
Nang humupa ang tawanan nag-lecture na ang propesor: “Isipin n’yo na ang garapon ang inyong buhay. Ang golf balls ay mga importante sa iyo: Pamilya, anak, kalusugan, kaibigan, mga paborito gawin. Mawala man lahat sa buhay maliban sa kanila ay puno pa rin ang buhay mo.”
“Ang graba ay mga iba pang mahalaga: trabaho, bahay, kotse,” paliwanag ng propesor. “At ang buhangin ay ang mga iba pang bagay sa paligid mo — mga maliliit lang at walang silbi para sa iyo.”
“Kung inuna mo isiksik ang buhangin sa garapon,” patuloy ng propesor, “wala nang puwang para sa graba at golf balls. Gan’un din ang buhay.
Kung sinasayang ang oras sa walang kaparara-kan, mapapabayaan ang mahahalagang bagay o tao. Kaya alalahanin mo ang huli.”
Ano ang sinasagisag ng beer, tanong ng isang bata. “Wala,” anang propesor, “ibig sabihin lang nu’n ay, miski gaano ka ka-busy, sa totoo lang ay may oras pa rin para mag-tigalawang beer kasama ang kaibigan.”
- Latest
- Trending