EDITORYAL - Mabawasan na nga sana mga 'buwaya' sa DPWH
KAMAKAILAN lang lumabas na nangunguna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pinaka-corrupt na tanggapan ng pamahalaan. Nalampasan ng DPWH ang Customs, Philippine National Police, Bureau of Internal Revenue, Department of Education at marami pang iba. Kamakalawa, sinampahan ng Ombudsman ng kasong graft ang dating secretary ng DPWH at 16 na opisyal. Natuklasan ng Office of the Ombudsman na may mga documentary evidence na nag-uugnay kina Soriquez at mga kasama sa maanomalyang bidding ng World Bank—funded road projects.
Ang balitang ito ukol kina Soriquez ay nagpapakita lamang na talagang grabe ang katiwaliang nangyayari sa DPWH. Maraming “buwaya” sa DPWH at mukhang mahihirapan nang patayin ang mga ito. Masyado nang matitigas at matalas ang ngipin ng mga buwaya at mahirap nang bunutin. Matagal nang nangyayari ang katiwalian sa DPWH pero walang ginagawa ang mga opisyal na nakaupo para madurog ang mga corrupt.
At hindi naman nakapagtataka ang nangyayari ngayon kung saan ay kasangkot sa corruption ang dating DPWH secretary na si Soriquez at 16 pang opisyal. Asahan na kapag ang pinuno ay gumawa ng masama natural na gagayahin siya ng kanyang mga opisyal. Kung ang pinuno ay nasisikmurang gawin ang mga hindi kanais-nais na bagay, ganito rin ang gagawin ng kanyang mga tauhan.
Ang nakapagtataka lamang sa kaso nina Soriquez at iba pa, kasangkot din dito si First Gentleman Mike Arroyo pero hindi ito kinasuhan ng Ombudsman. Ma aari lamang daw maimbestigahan ang First Gentleman base sa testimonya ng private contractors.
Ilang buwan na ang nakararaan, sinuspinde ng World Bank ang tatlong kompanyang Pinoy dahil sa anomalya sa mga proyektong paggawa ng kalsada. Kaladkad ng World Bank ang DPWH sapagkat ito ang mga nag-aapruba ng proyekto sa pagpapagawa ng kalsada at mga tulay. Napuno ng batik ang DPWH makaraang ituro ng World Bank.
Noon pa ay marami nang nakababatid na talamak ang corruption sa DPWH. Pera-pera lang ang lakad sa tanggapan at kung mahina ang padrino, walang aasahan na makakuha ng proyekto. Ang pagkilos ng Ombudsman sa kaso nina Soriquez ay maganda namang pahiwatig na mababawasan ang mga buwaya sa nabanggit na tanggapan.
- Latest
- Trending