Nat'l Printing Office Sinasabotahe ba?
UMAANGAL ang National Printing Office. Mistula raw sinasabotahe dahil sa legal opinion ng Malacañang na ang ibang tanggapan ng pamahalan na may printing needs ay puwedeng mag-subcontract sa mga pribadong printing office kahit hindi na dumaan sa NPO. Ano’ng kabalbalan iyan?!
Dapat maging exclusive printer ang NPO ng lahat ng mga security printing needs ng pamahalaan. Kapag binayaan ang mga ahensya ng pamahalaan na gumawa ng sari-sariling diskarte, magiging ugat iyan ng katiwalian. Alam naman ng halos lahat ang bulok na sistema sa gobyerno. Ang mga bidding ay namamanipula.
Pero tila pabor pa ang Malacañang na bigyang laya ang mga ahensya na dumiskarte ng sarili. Iyan ang naka paloob sa legal opinion na ipinalabas na may lagda ni Manny Gaite nang siya’y deputy executive secretary pa.
Kawawang NPO Chief Servando Hizon. Kauupo lamang ay sinalubong na siya ng ganyang problema.
Dapat, ang NPO pa rin ang may poder sa pag-subcontract sa mga printing jobs ng pamahalaan dahil kapag tinanggal sa kanila ito, lalo lamang magiging talamak ang korapsiyon. Ang legal opinion na ipinalabas ni Gaite na ngayo’y nahirang bilang commissioner ng Securities and Exchange Commission, ay nagpapahintulot sa mga ahensya ng gobyerno na mag-subcontract sa kanilang printing needs.
Nalaman ko na isang suspendidong private security printer ang nasa likuran ng legal opinion na ito. Ang naturang printer na wala na umanong “k” pumasok sa ano mang kontrata sa pamahalaan ay gumamit ng implu wensya upang brasuhin ang Malacañang.
Sa NPO Memorandum Circular No. 04-09 na ipina labas ni Dionisia M. Valbuena, OIC-director, sinasabi na ang tanggapan ay may kapangyarihan pa rin magpa-kontrata sa mga security printers base sa itinatadhana sa Section 27 ng Republic Act 9401. Pero sinasabi rin sa kautusang ito na ang mga departamento, kawanihan, tanggapan at ibang ahensya ay autorisado ring kumuha ng kursunadang private printers kung ito’y daraan sa public bidding. Naku, siguradong wala nang ahensya na ipadaraan pa ang printing needs sa NPO!
Delikado ang mga materyales na nililimbag ng NPO. Kasama na riyan ang mga balota sa eleksyon na kapag hindi nakontrol ay magiging ugat ng dayaan. Mga accountable forms iyan na may mga security features. Kapag wala na sa control ng NPO ang pagpapaimprenta sa mga dokumentong ganito, paano na lang mamomonitor kung may overprinting na ugat ng korapsiyon? Nananawagan naman ang mga lehitimong security printers sa palasyo ng Malakanyang na dapat ay magkaroon muna ng sapat na konsultasyon sa lahat ng mga ‘stakeholders’ sa isyung pilit na ginugulo ng ilang ‘blacklisted’ na security printers. Tama iyan. Sana’y magising at matauhan ang Malacañang.
- Latest
- Trending