NUNG ISANG TAON AY NAISULAT KO ANG KWENTO NI DARLENE na umano’y pinatay ng kanyang asawa. Tinutukan namin ang kasong ito na nagmula sa “wala” hanggang ngayon mukhang malapit ng makamtan ni Darlene at ng kanyang pamilya ang katarungan para sa masamang sinapit nito.
Si Don Derick Malelang, ang taong pinagbibintangang dahilan ng pagkamatay ni Darlene ay hinuli nung March 2, 2009 sa bisa ng isang Warrant of Arrest. Siya ngayon ay nakakulong sa Provincial Jail ng Boac, Marinduque.
Basahin n’yo kung paano nabuo at napagtagpi-tagpi ang mga ebidensya kung paano na‘swak’ si Derick sa kasong ito.
July 24, 2007 ng unang pumunta sa aming tanggapan sina Maria Cristina Rodilla at Jamaica Molbog upang idulog ang pagkamatay ng kanilang kaibigan na si Darlene Julao Malelang.
Pinapunta umano sila ng ina ni Darlene na si Marit Julao upang humingi ng tulong sa aming tanggapan dahil hindi sila naniniwala sa dahilan ng pagkamatay ni Darlene.
Kinalaunan ay mismong si Marit at ang mga kapalmilya na nila ang pumupunta sa aming tanggapan mula pa sa Boac, Marinduque upang i-follow-up ang kaso ni Darlene.
May 2, 2007 ng namatay si Darlene at ang dahilan umano ay ‘Pneumonia’.
Ayon kanila Marit na hindi sila naniniwala sa ganitong dahilan at alam nila ang asawa ni Darlene na si Don Derick Malelang ang may kagagawan kung bakit namatay si Darlene. Si Derick ay isang pulis sa Boac.
Ayon kay Marit na bata pa lang si Darlene ay bukod sa maganda ay nakitaan na nila ito ng kagalingan sa pagkanta at pagsayaw kaya naman parati itong sumasali at nananalo sa mga ‘beauty pageants’.
Unang naging magkasintahan si Darlene at Derick nung sila’y mga ‘college students’ pa lamang sa Marinduque.
Naging maayos naman ang pakikitungo ni Derick sa pamilya ni Darlene ngunit kapag silang dalawa na lang ang magkasama ay parati silang nag-aaway dahil mabisyo umano si Derick ayon na rin kanila Christina at Jamaica.
Taong 2004 ng magtapos si Darlene sa kanyang pag-aaral ng BS Commerce sa St. Mary’s College Boac, Marinduque.
Nung taong din yun ay nabuntis si Darlene kaya naman biglaan ang kanilang pagpapakasal.
“Sobrang sakit ang aming naramdaman nung sinabi ni Darlene na buntis siya. Wala kaming magawa kundi ang umiyak at tanggapin ang kanyang kapalaran at desisyon. Marami kaming pangarap para sa kanya ngunit gumuho ito ng magpakasal siya,” pahayag ni Marit.
Sabi ni Marit na maraming naging problema ang kanyang anak sa piling ng kanyang asawa.
Tatlong araw pa lamang ng sila’y makasal ay pinunit umano ni Derick ang ‘marriage contract’ nila dahil lang sa ayaw siyang payagan ni Darlene na makipag-inuman kasama ang kanyang barkada.
Ayon sa salaysay Jamaica Molbog na si Darlene ay ‘battered wife’ dahil sa tuwing nag-aaway sila ng kanyang asawa ay sinasaktan siya nito ‘physically’.
March 2006 ng pumunta siya sa bahay ni Darlene sa Boac, Tanza, Marinduque. Nag-away si Darlene at Derick at biglang hinagis umano ni Derick kay Darlene ang orocan na lalagyanan ng damit. Nabasag yun pero hindi tinamaan si Darlene pero sa kanya talaga umano yun ibinato.
Noong August 2006 ay muling bumisita si Jamaica sa bahay nila Darlene at naabutan niya umano itong puro pasa ang binti at namamaga ang mukha.
“Ikinuwento niya sa akin na nag-away sila ni Derick dahil sa pag-uwi ng madaling-araw at sa pag-iinom at pagbabarkada ni Derick. Sinabi ni Darlene na pinaputukan siya ng baril at nakita ko nga anga basyo ng bala na nakakalat sa sahig ng kwarto nila at ang butas-butas na batya. Nakailag siya kaya hindi siya tinamaan ng bala ng baril,” ayon sa salaysay ni Jamaica.
Ayon naman sa salaysay ni Marit (nanay ni Darlene) na nung April 24, 2007, bandang alas onse ng umaga ay tinext siya ni Derick at pinapunta siya sa bahay nila ni Darlene at sinabi ni Derick na hindi na raw niya alam ang nangyayari sa kanyang asawa.
Agad na pumunta si Marit. Pagdating niya ay nakita niya ang tatlong taong gulang na panganay na anak nila Darlene. Sinabi umano nito na ‘Mama buti dumating ka dito. Takot ako pumasok sa kwarto nila Mommy at Daddy. Nag-aaway sila at iyak ng iyak si Mommy’.
Ano ang laman ng salaysay ni Marit? Ano ang nangyari kay Darlene? ABANGAN sa Biyernes EKSKLUSIBO dito lamang sa “CALVENTO FILES at sa PSNGAYON.” (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com