MABILIS pa sa kidlat ang action ni CIDG director Chief Supt. Raul Castañeda nang ibulgar ko ang tatlong sibilyan na gumagamit ng opisina niya para sa illegal na Gawain. Iniutos ni Castañeda ang pag-grounded kay Sr. Insp. Dalonos, hepe ng Special Trackers Team (STT) ng NCR-CIDG. Siyempre, mainit din ang dugo ni Castañeda kina Luisito “Boy” Pineda, Ed Tuazon at Abe David kaya’t naging target sila sa manhunt operation ng CIDG.
Sina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David ang gumigisa sa pangalan ni Dalonos hindi lang sa mga pasugalan, tulad ng sakla-patay at peryahan kundi maging sa mga putahan at beerhouse sa Metro Manila. Ayon kay Pineda, matibay si Dalonos na nakasandal kay Supt. Estomo, pero walang nagawa nang bigwasan ni Castañeda. Sa ngayon, floating status na si Dalonos samantalang sina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David ay hinahanting na ng CIDG at pati ng mga pinahirapan nila.
Akala ko matibay ang padrino ni Boy Pineda na si Dalonos, isang salpukan lang, laglag na. Kung ang lahat ng PNP official ay tulad ni Castañeda, tiyak sa kangkungan ang bagsak ng gaya nina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David, di ba mga suki? Hehehe! Weather-weather lang ‘yan mga ‘tol!
Mukhang hindi nagustuhan ni Castañeda ang tabas ng dila ni Boy Pineda. Hindi lang kasi si Dalonos ang dala ni Boy Pineda sa pagmamalabis niya sa mga ilegalista kundi marami pang unit ng CIDG. Kaya naman umaalsa na ang mga ilegalista kay Boy Pineda, dahil kung anu-anong unit na ng PNP ang binabanggit niya. Abo’t langit din kung manghingi siya ng lingguhang intelihensiya kaya’t natutuwa sa kanya sina Dalonos at Estomo, pati na ang mga hepe ng ibang unit ng CIDG.
Dapat walisin ni Castañeda si Boy Pineda para hindi na mabanggit ang CIDG sa pagmamalabis niya sa mga ilegalista nga. Kung sabagay, mas masahol pa sa pulis kung tumirada si Boy Pineda dahil pati cell phone ng mga inaresto niya ay nalalapnos. Baka naman cell phone ang negosyo ni Boy Pineda. Ano sa tingin n’yo mga suki? Hehehe! Sumisikip na ang mundo ni Boy Pineda na palaging naka-motorsiklo kapag umoorbit sa mga ilegalista.
Ang payo naman ni Castañeda sa mga ilegalista tulad ni Danny Casat, ang bangka ng sakla-patay sa Las Piñas City at Dandan, ang operator ng perya sa Comembo, Makati City, magsadya sila sa opisina niya sa CIDG para maghain ng reklamo laban kina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David para makasuhan sila at makulong. Kapag may reklamo kasi, tiyak swak sa kulungan ang tatlong itlog, na nagiging dahilan para lalong sumama ang imahe ng pulisya sa publiko. Ngayon, number 2 ang PNP sa pinaka-corrupt, ayon sa survey, panahon na siguro para maaresto sina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David at mai-presenta sa media para maniwala ang publiko na walang kinalaman ang CIDG o PNP sa pagmamalabis nila. Abangan!