SINALAKAY ng tropang nagpakilalang taga-Special Tracking Team (STT) ng CIDG-NCR ang “sakla patay” sa Las Piñas City at inaresto ang mga personel nito. Subalit hindi naman dinala sa Camp Crame ang mga naaresto kundi doon lang ibinaba sa Kabihasnan kung saan nagkaroon ng aregluhan. Kung magkano, kayo na ang maghusga mga suki! Kaya naman nagalit ang bangka ng “sakla patay” na si Danny Casat dahil kahit inareglo na niya ang mga CIDG raiders, aba kinulimbat pa ng mga ito ang cell phone ng limang naaresto. Ang mabigat pa, nagbitaw ang isang Luisito “Boy’ Pineda ng pananakot na, “Maghanap na kayo ng padrino n’yo at mabigat itong amo ko.” Ang amo ni Boy Pineda mga suki ay si Senior Insp. Dalonos, ang hepe ng STT ng CIDG-NCR. Hehehe! Akala ko ba public service ang sinumpaan ni Dalonos hindi pala, di ba mga suki?
Pagkalipas ng ilang araw, sumalakay muli ang tropa ni Boy Pineda at ang inasinta naman ay ang peryahan sa Comembo sa Makati City. Tulad ng modus operandi nila laban ke Boy Casat, dinala ng tropa ni Boy Pineda ang mga personel ng peryahan sa Zero Block malapit sa isang punerarya kung saan nagkaroon ng aregluhan. Siyempre, kinulimbat muli ng tropa ni Boy Pineda ang cell phone ng mga nahuli. Tiyak araw-araw iba ang cell phone ni Boy Piñeda, ano sa tingin mo CIDG director Chief Supt. Raul Castaneda Sir?
Itong si Boy Pineda mga suki ay isang sibilyan. Gina gamit siya ng kapulisan bilang “makapili.” Ang ibig kong sabihin, si Boy Pineda ang tagaturo at presto….me huli na me pera pa ang mga pulis. Kapag hindi nakapagbigay ang mga ilegalista sa kanya, Gen. Castañeda Sir, tiyak ituturo ka ni Boy Pineda sa mga operating unit ng PNP para mapuwersa sila na maghatag.’Yan ang tirada ng mga hao-shiao tulad ni Boy Pineda.
Ang kasama ni Boy Pineda sa pananalasa niya sa mga ilegalista sa Metro Manila ay ang isa pang sibilyan na si Ed Tuazon. Mabangis din na parang hyena si Tuazon at alam ‘yan ng mga taga-CAMANAVA. Kung hahagupitin mo itong si Boy Pineda, Gen. Castañeda Sir, isama mo na rin si Ed Tuazon para madala.
Sa totoo lang, ang mga sibilyan na tulad nitong sina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David ang sumisira sa imahe ng PNP. Kapag nananalasa kasi ang tropa nina Boy Pineda, Tuazon at David, aba tiyak laglag ang laman ng bulsa ng madadaanan nila. Kaya’t si Boy Piñeda at David ay halos hindi na makaporma sa Las Piñas City dahil hinahanting sila ng tropa ni Casat. Tiyak galit na rin sa kanila ang kaibi-gan kong si Sr. Supt, Empiso, ang hepe ng Las Piñas City police dahil ginugulo nila ang “tabakuhan” sa lugar niya.
Papayag kaya si Gen. Castañeda na ang tulad nina Boy Pineda, Ed Tuazon at Abe David ang sisira ng kinabuka-san niya sa PNP? Baka maunang yumaman sa ‘yo si Dalonos Sir kung hindi ka kikilos.