PINASULAT ng head teacher sa mga musmos na mag-aaral kung ano para sa kanila ang ibig sabihin ng pagmamahal. Parang hindi galing sa mga inosente ang malalalim na sagot.
Rebecca, edad-8: “Nagka-arthritis ang lola ko, kaya hindi na siya makayuko para kulayan ang kuko sa paa. Si lolo ang nagkukulay para sa kanya, miski meron din arthritis sa kamay. ’Yan ang pagmamahal.”
Billy, edad-4: “Kapag mahal ka ng isang tao, kakaiba ang pagbigkas niya ng pangalan mo. Alam mo na ligtas ang pangalan mo sa labi niya.”
Karl, edad-5: “Pagmamahal ’yung nagpahid si dalaga ng pabango at si binata ng after-shave, tapos namasyal sila’t nag-amuyan.”
Chrissy, edad-6: “Pagmamahal: Kung kumain kayo sa labas at ibigay mo sa kasama ang French fries mo miski hindi ka humingi ng kapalit.”
Teri, edad-4: “Pagmamahal ’yung nakapagpapangiti miski pagod.”
Danny, edad-7: “Pagmamahal ay kapag ipinagtitimpla ni Mommy ng kape si Daddy, at tinitikman muna para tiyaking tamang-tama ang lasa.”
Emily, edad-8: “Pagmamahal ay kung malimit maghalikan. Tapos, miski pagod na maghalikan, gusto pa rin magkasama at magkuwentuhan. Ganyan sina nanay at tatay. Kadiri ang hitsura nila kapag naghahalikan.”
Bobby, edad-7: “Pagmamahal ’yung kasama sa silid kung Pasko, na tapos ka na magbukas ng regalo at nakikinig lang.”
Loella, edad-7: “Pagmamahal ’yung sabihin mo sa kaibigan na maganda ang damit niya, tapos araw-araw na niya ’yon isusuot.”
Cindy, edad-8: “Nu’ng piano recital, bigla akong kinabahan sa stage. Tinanaw ko ang audience. Nakita ko si Daddy, siya lang ang kumakaway.”
Clare, edad-6: “Mahal na mahal ako ni Nanay. Hinahalikan niya ako miski tulog na ako sa gabi.”
Marami pang ibang sagot, pero ang nakaantig sa head teacher ay ’yung sinulat ni Noel, edad-4: “Napansin kong lumuluha ang kapitbahay namin na kabibiyudo lang. Lumipat ako sa kanyang sala at kumandong. Wala lang, tinulungan ko siyang umiyak.”