Simpleng solusyon sa mga mahal na gamot

SA aking pagsusuri sa kalagayan ng kalusugan ng ating bansa, ito ang tatlong pinakamahalagang problema natin: (1) mahal ang gamot, (2) nag-aalisan ang mga maga­galing na doktor at nars, at (3) polusyon sa hangin. Tata­lakayin natin ang mahal na gamot.

Bakit mahal ang gamot?

Hanggang ngayon ay wala pa ring epekto ang Cheap Medicines Bill na ipinasa kamakailan. Naniniwala akong matagal pa ang labanan na ito.

Bakit mahal ang gamot? Una ay dahil mahal ang benta ng mga drug companies. Mataas kasi ang gastos nila sa pag-market ng gamot. May gastos sa advertising, sa marketing, sa regalo sa mga doktor, at iba pa.

Ano ang solusyon?

Maganda ang layunin ng Cheap Medicines Bill. Hindi ko lang alam kung may epekto ito. Pero may simpleng solusyon ako para sa problema ng gamot.

Gagawa lang tayo ng isang listahan ng mga murang gamot sa mga pangunahing sakit. Hindi alam ng madla, marami nang murang gamot na mabibili sa botika (Mercury, Generic’s Pharmacy at Botika ng Bayan). Ang problema lang ay walang nakaaalam nito.

Kung susuportahan ng media, doktor at pulitiko ang mga produktong ito, siguradong makatitipid ang kaba­bayan natin sa gamot.

Lista ng mura at epektibong gamot:

Halimbawa, ganitong listahan ang gagawin.

1. Altapresyon – HCTZ 25 mg tablet. P6 lang ang bawat tableta. Brand name Hytaz.

2. Diabetes – Gliclazide 80 mg tablet. P3 lang sa Botika ng Bayan. P7 sa Mercury. Brand name Glubitor.

3. Diabetes – Metformin 500 mg tablet. P3 lang sa botika ng bayan. P7 sa Mercury. Brand name Glumet.

4. Istrok at Heart Attack – Aspirin 80 mg. P1 lang ang bawat tablet.

5. Mataas na kolesterol – Simvastatin 10 mg. P10 sa Bo­tika ng Bayan.

6. Antibiotic – Amoxicillin 500 mg capsule. P2 lang sa Botika ng Bayan.

At marami pang iba. Puwe­ deng magbago ang listahang ito depende sa bagong labas na produkto at presyo ng gamot.

Bakit hindi pa natutupad itong solusyon?

Maraming dahilan. Una, hin­di pa alam ng publiko na   may murang gamot. Dahil mura sa mga Botika ng Bayan, wala silang pondo mag-advertise.

Pangalawa, ayaw suporta­ han ng doktor ito. Dahil mura ang gamot, walang budget itong mga kompanya para mag-suporta sa mga proyekto ng mga doktor. Pangatlo, hindi pa alam ng mga pulitiko at DoH ang ganitong solusyon.

Simple lang ito at doble. Handa akong tumulong para matupad ito.

(E-mail:drwillieong@gmail.com)

Show comments