KAKASULAT ko lang na mukhang malapit nang malihis ang ating atensiyon mula sa isyu ni Celso de los Angeles at ng Legacy Group of Companies dahil pabalik na si dating police superintendent Cezar Mancao para umano magbigay liwanag sa Dacer-Corbito double murder na kaso. Naku, eh, mukhang may mga hindi na rin makahin-tay at nilagay na sa ilalim ng sinag ang isyu na ito.
Banderang balita noong Lunes sa Philippine STAR na sinulat ng kolumnistang si Tony Calvento na, ayon sa pinakabagong affidavit na sinalaysay daw ni Mancao, si Sen. Ping Lacson ang nagbigay ng utos kay dati ring police superintendent Michael Ray Aquino na “tirahin na si Dacer”. Magkakasama umano silang tatlo sa isang sasakyan, kung saan nakaupo si Mancao sa harap, nang ibigay ni Lacson ang utos.
Agad namang nagbigay ng reaksyon ang abogado ni Mancao sa paglabas ng artikulo sa dyaryo, at nagsabing iresponsableng pamamahayag ang ginawa ni Calvento. Sinegundahan na rin ito ni Sec. Raul Gonzalez ng DOJ, na siyang may hawak na ng affidavit ni Mancao at “nakatago” raw sa isang banko. Kahit hindi pa sinisiwalat ang lahat ng laman ng naturang affidavit, may mga pagkakaiba na raw siyang nakita sa nilabas ni Calvento. Hmmmm… akala ko ba’y nabasa mismo ni Calvento ang nasabing tinatagong affidavit sa sarili niyang mga mata? At hindi ba’t kinumpirma ni Karina Dacer, anak ng napatay na si Bubby Dacer, ang mga siniwalat ni Calvento? So, sino sa dal-awa — si Calvento o si Sec. Raul Gonzalez — ang nagsasabi ng totoo o nagsisinungaling?
Tinataya ni Calvento ang lahat sa paninindigan sa kanyang inulat. Maliwanag ang tanong niya: Bakit nga ba hindi pa ilabas ang affidavit na yan?! Tama lamang daw na mapatunayang nagsasabi siya nang totoo at dapat mabigyan ng pagkakataon si Sen. Lacson na makasagot kapag nakumpirma na nga ang nilalaman at dinadawit na iba pang tao sa affidavit ni Mancao. May mga umano’y iba pang affidavit na sinalaysay si Mancao noong taong 2001 at 2007. Kung ano ang laman ng mga affidavit na iyan ay hindi pa rin nilalabas. Pareho silang nagtaya ng mga karangalan nila sa mga katayuan nila. Siyempre, para sa publiko na mapipilitang makinig na rin sa isyung ito, wala pa ring malinaw. Sabi nga nila, lima-singko ang affidavit sa Pilipinas, na puwedeng baguhin kahit kailan sa dahilan na pinilit o tinakot lang ang taong nagsalaysay nito. Ilan nga bang affidavit ang sinumpaan ni Mancao, at ano ang mga nilalaman? Ganun kahirap hanapin ang katotohanan sa Pilipinas! (Itutuloy)