KASO ito ng isang kompanya ng mga damit, ang CGC. Noong Pebrero 8, 2002, hiningi ng CGWU na magkaroon ng eleksyon ng mga union na magiging kinatawan ng mga manggagawa ng CGC na hindi sakop ng Collective Bargaining Agreement (CBA) nito sa unyon ng SMCGC na noon ay kasalukuyang kinatawan ng mga manggagawa ng CGC.
Hiningi naman ng CGC na isantabi ang petisyon dahil nga sa may umiiral na CBA sa pagitan nito at ng SMCGC magmula pa noong Hulyo 1, 1999 hanggang Hunyo 30, 2004 na siyang hadlang sa pagkakaroon ng eleksyon sa kompanya. Maaari lamang magkaroon ng eleksyon sa loob ng 60 araw bago ang pagtatapos ng CBA o ang tinatawag na “freedom period”. Ayon din sa CGC, ang mga miyembrong bumubuo sa CGWU ay hindi direktang empleyado ng kompanya kundi mga empleyado ng ahensiya na kakontrata ng CGC.
Tinanggap ng Med-Arbiter ng DOLE ang mosyon ng CGC at ibinasura ang petisyon. Nang mag-apela, gayundin ang naging desisyon ng DOLE Secretary noong Disyembre 27, 2002 dahil hindi nga maaaring tanggapin ang petisyon maliban at nasa 60 araw na ng “freedom period”. Ayon din sa DOLE, kahit pa ituring na mga empleyado ng CGC ang mga miyembro ng unyon ng CGWU ay hindi naman maaaring paghiwalayin pa at gawing dalawang pangkat ang mga empleyado sa kompanya lalo at wala namang dahilan para gawin ito.
Noong Mayo 16, 2003 ay muling nagsampa ng petisyon ang CGWU ngunit binalewala lang ito ng med-arbiter dahil nga pasok pa sa “freedom period”. Binalewala rin ng Med-arbiter ang petisyon dahil sa naunang desisyon. Sinang-ayunan pa rin ito ng DOLE kahit pa nag-apela ang CGWU.
Noong Hunyo 4, 2004, nagsampa ng pangatlong petisyon ang CGWU. Tulad ng dati, muling ibinasura ng Med-Arbiter ang kaso base sa doktrina ng “res judicata”. Isa pa, wala rin daw relasyon ang mga miyembro ng CGWU at ang kompanyang CGC. Tama ba ang Med-arbiter?
MALI. Ayon sa doktrina ng “res judicata”, ang naging huling desisyon ng korte base sa merito ng kaso ay dapat igalang at kilalanin ng magkabilang panig pati na kung sinuman ang magmamana ng kaso sa kanila. Upang magkaroon ng “res judicata”, kailangan na 1) pinal na ang desisyon, 2) iginawad ito ng korte o ahensiya na may kapangyarihan sa usapin at mga taong sangkot, 3) base ito sa merito ng kaso at 4) may pagkakapareho ng mga tao, bagay at usaping sangkot sa pagitan ng una at pangalawang kaso.
Dalawa ang aspeto ng “res judicata”. Una ay ang pagiging hadlang nito sa mga susunod na kaso dahil nga sa unang desisyon na inilabas ng isang korte na may kakayahang humawak sa kaso. At ang pangalawa ay ang pagiging pinal nito sa mga taong sangkot. Ibig sabihin, hindi na maaaring ungkatin pa ang usaping ito kung tungkol din naman sa parehong mga isyu at detalye ang pag-uusapan.
Sa kasong ito ay may tatlong elemento ng “res judicata”. Ang resolusyon ng DOLE noong Disyembre 27, 2002 ay naging 1) pinal sa unang petisyon, 2) base ito sa merito ng kaso at ito ay dinesisyunan ng DOLE na 3) may kapangyarihan sa kaso. May pagkakapareho din ng mga taong sangkot ngunit hindi magkapareho ang isyu. Ang unang petisyon ay isinampa noong hindi pa umiiral ang 60 araw na “freedom period” samantalang ang pangatlong petisyon ay isinampa noong Hunyo 4, 2004, sa panahong may karapatan na ang CGWU na kalabanin ang SMCGC bilang esklusibong unyon sa kompanya.
Tungkol naman sa pagkilala sa pagiging empleyado ng CGC ng mga miyembro ng CGWU, ang usaping ito ay kasama sa niresolba ng DOLE sa resolusyon nito noong Disyembre 27, 2002 at hindi naman ito inapela ng CGC. Pinal at dapat na respetuhin ang desisyon ng DOLE sa isyung ito. Nagkamali ang Med- Arbiter nang ideklara nito na walang namamagitang relasyon ng amo at manggagawa sa CGC at sa mga miyembro ng CGWU. (Chris Garments Corporation vs. Sto. Tomas, etc., G.R. 167426, January 12, 2009).