MARAMING katangian ang Pilipino na sana ay mawala na nang tuluyan. Isa rito ay ang pagkaangas. Napakarami sa atin ang ganito, laluna kapag mayaman, may awtoridad, nasa gobyerno, o kaya’y malakas sa gobyerno. Kaya kapag ang mga maaangas na ito ay napagbibintangan o kaya’y nasisita ukol sa kalokohan, katiwalian at pang-aabuso, imbes na maging mapagkumbaba pa ay lalo pang lumalaban, kahit na lantaran na ang mga ebidensiya laban sa kanila.
Isang maliwanag na halimbawa nito ay ang mga sasakyan na may mga bodyguard na escort. Sila na nga ang wala sa lugar, sila ang sumisingit, sila ang sumasalubong, pero sila pa ang galit kapag hindi mo napagbigyan! Pakikitaan ka pa ng mga sandata tulad ng baril kung makipaglaban ka pa ng tinginan!
Mga ibang halimbawa pa ay sina Benjamin Abalos, Jocjoc Bolante, Jimmy Paule, Lintang Bedol at Virgilio Garcillano. Lahat sila ay pumalag at nagmatapang pa, kahit na sila’y napagbi bintangan ng kung anu-anong mga anomalya at katiwalian. Matatapang kuno pero, sa mga katulad ni Bedol at ni Paule, nagmatapang sa una pero ngayon ay tila nagtago na! Si Garci pansamantalang nagtago rin. Ganun din si Jocjoc. Isama na rin ang mga Senador na hindi nagsisipasukan sa mga sesyon ng Senado. Magpapakita lang para sa roll call tapos sisibat na! Kapag sinita mo naman, magagalit pa! Bakit naman sila magagalit, eh tungkulin nila ang dumalo sa mga sesyon ng Senado dahil sila nga ang inatasan ng publiko na gumawa ng mga batas na magbibigay proteksyon sa mamamayan.
Kasama rito ang mga senador na bagong minorya. Sila kasi ang namamayagpag dati sa ilalim ni Manny Villar. Nang matanggal si Villar sa puwesto dahil sa anomalya na sangkot siya sa overpricing ng lupa at pagsingit ng pondo sa budget para sa kalyeng da-daan sa mga subdivision na negosyo niya, ayun! Hindi na halos nagpapasukan ang mga kaalyado. At siya naman aty talagang hindi na pumasok — kundi nagpapa-check na lang ng attendance! Ilang araw lang naman sa isang linggo sila kailangang pumasok. Mahahaba pa nga ang mga bakasyon nila kung saan matatagpuan mong nasa mga bakasyunang magagara at mamahalin, tulad ng mga cruise-cruise diyan! Ngayon ay mga kamera pang ikinakabit sa mga mesa ng Senador para kahit wala sila mismo sa Senado, ay makakasalo pa rin sila sa mga diskusyon at debate ukol sa paggawa ng batas ng bansa! Parang dahilan lang para lalo silang hindi na sisipot sa Senado!
Pero wala na sigurong tatalo kay Celso de los Angeles pagdating sa pagkaangas, pagkamanhid at pagka-arogante. Nakarinig na ba tayo ng paghingi ng tawad mula sa taong ito, kahit kaharap na ang mga niloko niya’t sinira ang buhay at kinabukasan? Nangatwiran pa na makukuha naman daw sa trust fund ang mga pera nila. Ang trust fund? Anong trust fund? Iyong ginamit niya para bayaran ang kuryente at labada ng misis niyang hindi na niya misis? Kaya lang naman ganyan kaangas iyan ay dahil nakasandal pa sa mga malalaking tao sa gobyerno, na ang dalawa’y timbog na! Dapat sa mga susunod na pagdinig ay mapangalanan na ang iba pang kumukupkop kay De los Angeles! Kung wala na ang mga sinasandalan niyan, mawawala na ang yabang niyan at sana makulong na!
Hindi puwedeng tantanan ang taong ito. Hindi siya puwedeng makalaya at hindi maparusahan. Dahilan talaga para palitan na ang mga nasa kapangyarihan. Lantaran na ang pang-aabuso ng mga ito, pati na mga nakasandal sa kanila. Hindi na puwedeng ipagpatuloy ang ganitong sistema na lagi na lang ang mga simpleng tao ang kawawa, at mga tulad ni De los Angeles ay aroganteng tinatawanan lang ang batas. Dapat tayo naman ang magalit!