EDITORYAL - 23 taon na kaming mata at taynga ng masang Pinoy
MEMORABLE ang pagkakatatag ng Pilipino Star NGAYON (unang tinawag na Ang Pilipino Ngayon) sapagkat naganap ito 20 araw makaraang bumagsak ang gobyerno ni Ferdinand Marcos noong February 25, 1986. At parang kailan lang nangyari iyon, ngayon ay 23 taon nang nagsisilbing mata at taynga ng sambayanang Pilipino ang Pilipino Star NGAYON. Parang kailan lang pero apat na Presidente na ang minatyagan ng diyaryong ito at inireport ang kanilang mga nagawa.
Naging matalas na mata at taynga ng taumbayan ang Pilipino Star NGAYON. Walang nakaligtas. Nakita ang pagbangon, kaunlaran, kaguluhan, kahirapan at higit sa lahat, ang mga kabulukan ng mga nagsipaglingkod.
Si President Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi naka liligtas sa pagmamatyag ng Pilipino Star NGAYON. Maraming beses nang tinangkang agawan siya ng puwesto sa Malacañang pero hindi nagtagumpay. Naireport ng Pilipino Star NGAYON ang mga imbestigasyon sa katiwalian na ang pamilyang Arroyo ay itinuturong kasangkot. Marami nang sumisigaw na bumaba sa puwesto pero hindi matinag si Arroyo.
Ang mga pangyayaring ’yan mula nang maluklok si Arroyo noong 2001 ay naireport ng Pilipino Star NGAYON. Hindi nagbago ang layunin ng Pilipino Star NGAYON na makapaglingkod nang tapat sa masa.
Bukod sa paghahatid ng balita at impormasyon, patuloy pa ring nagbabantay at nagpapaalala sa taumbayan na magmatyag upang ang nabawing kalayaan sa mapang-abusong pinuno ay hindi na muling masayang.
Ang patuloy na pagtatagumpay ng Pilipino Star NGAYON ay utang namin sa masang mambabasa. Kung wala ang masa, wala ang Pilipino Star NGAYON. Ang suporta ng mambabasa ang nagbibigay ng hini nga para patuloy na pagbubutihin ng Pilipino Star NGAYON ang paghahatid ng mga makabuluhang balita at impormasyon. Patuloy na nagsikap para mailahad ang katotohanan at maipaabot sa mambabasa. Nanatiling walang kinikilingan at pinapaboran at kalaban ng mga corrupt at mapang-abuso.
Mula noon napanatili ng Pilipino Star NGAYON ang mabuting imahe kaya naging diyaryong pampamilya. Hanggang ngayon ay hindi lumilihis ang NGAYON sa tunay niyang layunin para sa masang Pilipino.
Dalawampu’t tatlong taon na ang Pilipino Star NGAYON at matibay ang paniniwala na dahil sa patuloy na pagsuporta ng masang Pilipino, titibay pang lalo ang pagsasama. Sa mga mambabasa ng Pilipino Star NGAYON, kasama namin kayo sa tagumpay. Magpapatuloy kami sa nasimulan at hindi magbabago bilang mata at taynga ng masang Pinoy.
Maraming salamat sa inyong pagtitiwala at pagtangkilik.
- Latest
- Trending