ISA sa apat na Pilipino ay may altapresyon. Kapag umaabot na sa edad 60, isa sa dalawang Pilipino ay may altapresyon na. Kung mataas sa 140 over 90 ang iyong presyon, may altapresyon o high blood pressure ka na.
1. Umiwas sa maaalat na pagkain.
Ang pinakabawal sa may altapresyon ay ang maaalat na pagkain tulad ng canned goods, hamon, mga sarsa, at iba pa. Ang mga instant noodles ay napakataas din sa asin. Ang ginagawa ko ay kinakalahati ko lang ang seasoning ng noodles, pagkatapos ay kalahati rin lang ang dami ng sabaw. Sa ganitong paraan, kalahati lang ang alat na makakain ko. Sa bawat pagbabawas ng asin sa pagkain, bababa ang inyong presyon. Ito ay dahil ang asin ay nagre-retain ng tubig sa katawan, na magdudulot ng altapresyon.
2. Kung ano ang timpla ng pagkain, huwag nang dagdagan ng sawsawan.
Alam kong masarap ang toyo, patis, bagoong at mga seasoning, pero maaalat po ito. Kung okay lang sa iyo, mas maigi pa ang suka o calamansi bilang kapalit.
3. Iwas alat, iwas kanser pa.
Ayon kay Dr. Antonio Villalon, isang tanyag na espesyalista sa kanser, ang paggamit nang maraming toyo, patis at bagoong ay puwedeng mag-trigger ng kanser. Nakakatakot hindi ba? Ang sabi ni Dr. Villalon, maaaring may lahi ka na ng kanser. At kapag “nagising” ang selula natin ng mga masasamang pagkain, ay puwede maging kanser ito. Puwera sa maaalat, umiwas na rin sa mga pagkaing sunog (smoked foods), inihaw, matataba at hilaw (tulad ng kilawin).
4. Hindi mabisa ang pineapple juice sa altapresyon.
Ang pineapple juice ay may vitamin C na masus tansya, ngunit hindi po ito lunas sa altapresyon. Marami ang may ganitong maling akala. Ang pinakamabisa sa lahat sa pagbaba ng presyon ay ang pag-iwas sa maaalat at pag-inom ng gamot sa altapresyon. Magkonsulta sa inyong doktor.