^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Nawalan ng dangal ang SEC

-

DAMAY ang buong Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa nabulgar na pag­tanggap ng isang commissioner nito ng suhol sa may-ari ng Legacy Consolidated Plans. At sino ba ang nakaaalam, baka hindi lang ang Legacy ang na­kapagbigay ng suhol kay Commissioner Jesus Martinez. Sino ang nakaalam, siyempre ay sila-sila lang. Baka ang iba pang opisyal ng SEC ay nakina­bang din at sobra-sobra ang natamasa nilang biya­ya. Walang nakakaalam kundi sila lang. Hindi na­man ito malalaman ng taumbayan na nagpapasu­weldo sa kanila. Ang taumbayan ang labis na kawa­wa sapagkat ang kanilang mga pinasusuweldong taong gobyerno ay nasusuhulan. Pera-pera lang ang lahat ng mga nangyayaring transaksiyon sa gobyerno. Pawang katiwalian ang namamayani.

Nawalan ng dangal ang SEC dahil sa nabulgar na suhulan. Bahay, lupa, sasakyan at pera ang sinuhol umano ng may-ari ng Legacy na si Celso de los Ange­les kay Martinez para maprotektahan ang kompan­yang nabankarote. Si De Los Angeles, bukod sa may-ari ng Legacy ay kasalukuyang mayor ng Santo Domingo, Albay.

Sa pagtestigo ng dalawang dating tauhan ni De los Angeles, sinabi ng mga ito na sinuhulan ng kanilang dating boss ang SEC commissioner para mapangalagaan ang interes ng kompanya. Kabilang sa mga ipinakitang katibayan ng dalawang dating tauhan ni De los Angeles ay ang mga kopya ng tseke at voucher na ipinambayad umano sa Expidition na isinuhol kay Martinez. Ang bahay at lupa umano na isinuhol ay matatagpuan sa Parañaque. Ginamit umano ni De los Angeles ang pera ng mga depositors at pre-need holders para sa pansariling kapaka­nan. Ayon pa rin sa dalawa, ang perang ginastos para sa kandidatura ni De los Angeles ay pera ng mga depositors.

Nasikmura ng SEC commissioner ang ganitong gawain ng may-ari ng Legacy. Sabagay, sino ba naman ang aayaw sa suhol na talaga namang katakam-ta-kam. Isa rin namang congressman ang nasa balag ng alanganin dahil tumanggap din ng pera mula sa may-ari ng Legacy. Pera-pera lang talaga ang labanan.

Kakahiya ang SEC na pinamamahayan din pala ng mga “buwaya”. Sabagay, saan pa bang ahensiya ng gob­yerno walang “buwaya”. Dapat pinagbitiw na si Martinez at imbestigahan din ang iba pang SEC officials.

COMMISSIONER JESUS MARTINEZ

LEGACY CONSOLIDATED PLANS

PERA

SABAGAY

SANTO DOMINGO

SEC

SECURITIES AND EXCHANGE COMMISSION

SHY

SI DE LOS ANGELES

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with