'Eskinita lang ang pagitan...'
(Huling bahagi)
NUNG LUNES NG ISINULAT ko ang mga sagot ni Boyet ‘Bordado’ Soriano sa mga akusasyon laban sa kanya. Ito ay base sa reklamo ni Ruth Alag na unang pumunta sa aming taggapan nung February 20, 2009.
Sa huling bahagi ng istoryang ito na pinamagatan kong ‘Eskinita lang ang pagitan’ ay ilalagay ko ang aking mga obserbasyon at evaluation matapos kong marinig ang kanilang mga kwento at mabasa ang lahat ng kanilang salaysay.
Idinawit daw itong si Laway o Neil Alag dahil umano sa walang basehan na bintang na kasama itong si Laway sa pamamaril sa bahay nila Burdado.
Sinabi ni Bordado na maraming nakakita kay Laway nung gabi ng February 19, 2009 na tumatakbo mula Block 26, Brgy. North Bay Blvd South (NBBS), Navotas City papuntang Sawata, Caloocan City.
Ang dalawang lugar na ito ay magkalapit. Isang ESKINITA lamang ang pagitan kaya naman mabilis na maglabas-pasok ng mga tao sa mga lugar na ito na nagiging sanhi ng kaguluhan.
Kasama umanong sumugod ni Laway ang mga kaibigan niyang mga taga Sawata sa bahay nila Bordado at pinagbabaril ito.
Nung patakbo na ang mga ito para tumakas ay nakita umano nila Ruth na bumulagta ang isa sa mga namaril na nakilalang si Ang-Ang at kitang-kita rin nila si Anderson Bermudo na may hawak na baril at aktong nakatutok pa kay Ang-Ang.
February 27, 2009 ng pumunta sa aming tanggapan si Anderson para linisin ang kanyang pangalan ukol sa mga bintang ni Ruth.
“Imposible ang mga sinasabi ni Ruth. Kung tutuusin ay kami pa nga ang dapat na magreklamo sa anak niya dahil pinasok at pinagbabaril din ang bahay namin ng mga kaibigan niyang mga taga Sawata. Galit sila dahil ang tatay ko parati siyang pinagsasabihan. Block leader kasi siya sa lugar namin, sabi ni Anderson.
Ayon kay Anderson na walang katotohanan ang sumbong ni Ruth na kinakawawa si Laway sa kanilang lugar dahil ito ay may kakulangan sa pag-iisip dahil kung tutuusin ay kasama pa si Laway sa mga masasamang gawain katulad ng pagnanakaw at pangiis-snatch.
Matapos kong marinig ang dalawang panig ay hindi maalis sa akin ang mag-isip kung ano ang mga posibleng nangyari (ang senaryo) nung gabing nangyari ang barilan.
Hindi ko sinasabing nagsisinungaling ang sinuman sa kanila. Hindi ako nandito para humusga kundi para tumulong sa mga taong may legal na problema at biktima ng krimen.
Tingnan natin ang anggulong ito.
Pwedeng gabing umuwi sa Bordado galing trabaho at nakita niya si Laway na nakatambay sa daan at sinita niya ito o di kaya’y nabatukan niya si Laway dahil may kasama, Galing na rin kay Bordado na maaring dahilan kung bakit siya sinugod at pinagbabaril ang bahay ay dahil madalas niyang sitahin ang mga ito na pawang inaakusahan niya ng mga holdaper at snatchers.
Maaring napuno na itong si Laway kaya naman pumunta siya sa mga kaibigan niya na mga taga Sawata, Caloocan City at isinumbong niya ang nangyari at ito ang ginawa nilang dahilan upang sila ay manugod at manggulo sa North Bay Boulevard South Barangay 26.
Ang tawag kay Laway ay “piyaet” o “tipster o look-out” sa kanilang lugar. Ito ba ang papel talaga ni Laway at pakinabang sa kanya ng mga taga Sawata kaya’t handa silang ipagtanggol ito laban sa pambabraso nitong si Bordado.
Kung si Bordado lang ang gusto nilang balikan bakit hindi lang nila abangan ito at tambangan ng nasa kalye sa halip na pagbabarilin ang bahay nito at pilit na palabasin mula sa bahay. May nagtulak sa grupo ng mga ito para lusubin sa bahay nila si Bordado.Isa pa sa mga tinitingnan kong angulo ay hindi kaya nagsimula ang lahat ng ito sa away dahil sa teritoryo ko, teritoryo mo o tinatawag na ‘turf war’ kung saan hindi pwedeng pumunta ang mga taga NBBS sa Sawata, Caloocan City at ganon din ang mga taga Caloocan sa lugar ng NBBS.
Maaring totoong nakita si Laway na sumugod kasama ang mga taga Sawata at isang bagay ang malinaw din na may positibong nagtuturo dito kay Anderson na bumaril kay Ang-Ang kaya ito bumulagta sa kalsada.
Sa kwento ng magkabilang panig inirereklamo nila ang mga pulis ng Caloocan at ng Navotas na parang walang ginagawa at tila takot na pumasok sa lugar nila dun, sa pagitan ng eskinita.
Maari din nagsawa na ang mga pulis sa gulo at tapang ng mga tao dun na ang attitude nila ay “Sige magpatayan na lang kayo. Matira ang matibay para mabawasan ang mga masasama at matatapang sa kani-kanilang lugar?”
Maaring ayaw na rin pasukin ng mga pulis dun baka tambangan sila ng sumpak, pana at pa-traydor na pamamaril sa mahigit sa isang libong pamilyang nakatira dun na tinag-urian nilang “problem armed spot” ng mismong hepe ng NCRPO na si Director Leopoldo Bataoil.
Sa aking palagay kung walang namatay at walang nasugatan walang magrereklamo. Hindi sila sa pulis nagpunta, sa akin sila nagpunta. Sa media sila lumapit upang maibsan ang tension dun sa lugar na ‘yon.
Lumalabas na inutil ang mga magulang, ang barangay at kahit mga pulis na parang wala na silang pakialam sa mga nangyayari sa pagitan ng mga taga NBBS at SAWATA.
Ang tanong? Hahayaan na lang ba natin silang patuloy na magbarilan, saksakan at ilibing na lamang ang kanilang mga patay at ipagamot ang kanilang sugat na walang ginawa kundi magbulag-bulagan sa lahat ng kaguluhang ito.
Minsan pa akong nanawagan kina Director Leopoldo Bataoil ng NCRPO ang Hepe ng Northern Police District na si Chief Superintendent Erich Javier na utusan ang mga pulis Caloocan at Navotas na gawin ang kanilang tungkulin na panatilihin ang kapayapaan sa lugar na yun. Umpisahan ninyo sa pagdidis-arma ng mga tao dun ng mga walang lisensyang baril, sumpak, pana, panaksak upang wala ng makasakit pa.
Ang pinakamalaking hamon ay hindi lamang sa ating mga kapulisan kundi sa mga magulang at barangay opisyales na sama-sama ninyong linisin at gawing mapayapa ang lugar na yan upang maging kapaki-pakinabang hindi lamang sa inyong sarili at pamilya kundi pati na rin sa lipunan.
Kapag hindi ninyo tinugunan ang problemang ito mas marami pa kayong patay na ihahatid sa sementeryo at mga sugatan sa mga ospital! (Kinalap ni Jona Fong)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending