MABIGAT ang kalaban ni Ombudsman Merceditas Gutierrez. Isang kinikilalang statesman na may mabuting reputasyon: Si Sen. Jovito Salonga na nung nakalipas na linggo ay nagsampa ng impeachment case laban sa kanya.
Pero hindi naman daw natitigatig si Gutierrez. Aniya, handa na siya sa kanyang depensa sa isasagawang pagbusisi sa kanya ng mga mambabatas sa Kamara sa susunod na buwan kaugnay ng impeachment na isinampa sa kanya ng kampo ni dating Senator Salonga.
Alam na ng halos lahat ang ikinakaso sa Ombudsman: Ang kanyang hindi raw pag-aksyon sa mga kaso ng katiwalian, lalu na yung nagsasangkot sa kanyang former classmate na si First Gent. Mike Arroyo. Nangunguna na riyan ang multi-milyon pisong fertilizer scam. Of course pinabubulaanan ni Gutierrez ang alegasyon pero sa mata ng mamamayan, kumbinsido ang marami na nagpabaya siya sa kanyang tungkulin bilang tanod ng bayan laban sa katiwalian. At ang impresyon ay inuupuan niya ang mga kasong nagsasangkot sa kanyang “classmate” na si Mike Arroyo. Ang kahulugan ng Ombudsman ay Tanod ng Bayan. Ngunit wala akong kinakampihan. Sabi nga ng batas: An accused is deemed innocent until proven guilty. Pero kabaliktaran yata sa atin: An accused is considered guilty until proven innocent.
Madalas pa nga, kapag ang isang opisyal ay naabsuwelto, sumisigaw pa ang mamamayan na “lutong Makaw.” Ganyan kung humusga ang bayan: Malupit! At komo public figure si Aling Merceditas ay dapat niyang tanggapin ang masaklap na katotohanang ito. Patuna- yan na lang niya ang kanyang pagiging inosente. Grabe sa bigat ang mga abogado niya.
Tatlong dating justices ang kinuha niya upang ipagtanggol ang kanyang panig. Kasama diyan sina dating Court of Appeals Justice Harriet Demetriou, retired Supreme Court Justice Jose Vitug at dating Justice Sec. Serafin Cuevas. Kaya ang masasabi lang natin kay Ombuds(woman) “All the best to you at sana’y maghari ang hustisya sa usaping ito.” Pero kung mapapatunayang may kasalanan si Aing Merceditas, dapat lang na anihin ang consequence ng kanyang pag-kakasala.