NANG dahil sa nakakalat na Closed-Circuit Television (CCTV), madaling nadakip ang dalawa sa tatlong bumaril sa isang police asset sa may panulukan ng Nepomuceno at Arlegui St., Quiapo, Manila. Kitang-kita kasi ng mga pulis sa video footage ang paglapit ng tatlo kay Ernesto dela Vega at nang barilin ito sa dibdib noong gabi ng Miyerkules.
Matapos na mapanood ang buong pangyayari ay agad na pinakilos ni P/Supt. Romulo Sapitula ang hepe ng Sta. Cruz/Central Market Police Station-3 ang kanyang mga tauhan na nagresulta sa agarang pagkaaresto. Malaking bagay talaga sa mga pulis natin sa ngayon ang makabagong technology upang madaling makilala ang mga salarin.
Halos umabot lamang ng tatlong oras ang isinagawang paggalugad ng mga pulis ni Sapitula sa lugar kung kaya’t nalambat ang dalawa na nakilalang sina Jerry Jamal Buacan at Ali Ampatuan Sultan. Ganyan kabilis ang pagresolba sa kaso kung ang lahat ng kapaligiran sa buong Metro Manila ay malalagyan ng mga CCTV dahil walang maitatago sa camera, di ba mga suki? Kaya kayo na mga kriminal na nagtatangkang subukan ang kakayahan ng mga gadget ni P/CSupt. Roberto “Boysie” Rosales ay mag-isip muna ng ilang beses bago kayo gumawa ng hakbang. At natitiyak ko na sa kalaboso ang inyong kahahantungan sa lupain ng mga Manileños.
Sa ngayon ay abot-langit ang pasasalamat ng pamilya ni Dela Vega sa makabagong teknolohiyang inilatag ni Boysie Rosales sa Maynila dahil madali nilang nakamtan ang hustiya at naparusahan ang mga suspek sa madaling panahon lamang.
Abot-langit namang ipinagmalaki ng mga pulis ng Manila’s Finest ang makabago nilang teknolohiya dahil madali na nilang masugpo ang mga kriminal sa lansangan. Kung sabagay, maging si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay napahanga sa malaking pagbabago ng Manila Police District (MPD) nang magtungo ito noong nakaraang linggo lamang. Kanya kasing nasaksihan sa mga malalaking screen ng television sa “war room” ng MPD ang bawat galaw ng mga pulis sa paligid ng Maynila kung saan naka-install ang mga CCTV cameras.
Maging ang mga pulis ay hindi alam ang mga ito kung kaya’t walang lusot sa CCTV ang kabulastugang binabalak ng ilang mga pulis sa kanilang areas of jurisdiction. Nagawa pa nga ni PGMA na mag-command kay Sapitula nang hindi siya nakikita. At noong Miyerkules nga ay nasubukan ang pagiging hi-tech ng MPD nang mai-record sa CCTV ang buong pangyayari sa pagpaslang kay Dela Vega.
Sa ngayon ay malakas ang ugong na aking naririnig sa kapaligiran hindi lamang sa MPD kundi sa buong Metro Manila na sa mga darating na panahon ay magiging hi-tech na rin ang kanilang mga lugar oras na pamunuan ni Boysie Rosales ang National Capital Region Police Office (NCRPO). He, he, he! Bakit nga hindi mga suki? Ito kasing si Boysie Rosales ay trabaho ang nasa isipan at hindi kadatungan. Gets n’yo mga suki?
Kaya sa ngayon ay bukambibig na rin ng mga negosyante si Boysie Rosales dahil naniniwala silang mabibigyan nito ng proteksyon ang kanilang buhay at negosyo. Ang paghanga kaya ni PGMA at ng mga negosyante ang maging daan upang marating ni Boysie Rosales ang pinakamataas na puwesto sa Philipine National Police? Abangan!